AMINADO si Congresswoman Vilma Santos na marunong din naman siyang magalit. Marunong siyang mainis. Minsan pasaway din siya, bagama’t mahaba ang kanyang pasensiya. Inamin din naman niyang may panahon na nagrebelde siya.
Umiinom din siya ng alak, pero red wine lang at masasabing social drinking lang iyon. Hindi naman siya kagaya ng iba na tomador na talaga. There was a time nagsigarilyo rin siya, “lalo na kung matindi ang tension,” pero kailanman hindi siya sumubok na magdroga.
Pero inamin niya, mas marami pa ang nabago sa buhay niya matapos silang magpakasal ni Senator Ralph Recto, 28 years ago, December 11, 1992 sa Cathedral ng Lipa.
“Actually simula noong magsama kami ni Ralph, kasi magkasama naman kami ng seven years na bago kami nagpakasal. Noon kasi, ang feeling ko, ako ang boss. Walang makaka-control sa akin eh. Lalo na noong marami akong problema, nabaon ako sa utang dahil nag-produce kami ng pelikula, mismanaged naman iyong kompanya at marami ang nanloko sa amin. Iba ang utak ko noon dahil lahat ng pinaghirapan ko nawala. Nagtatrabaho ako pambayad lang sa utang ko sa BIR at sa mga banko.
“Noong dumating si Ralph, unti-unti nagkaroon ng control. May mga nabago agad sa buhay ko. Nag-iba ang priorities ko. Nai-guide niya ako nang husto eh, at itong buhay ko ngayon, dahil iyan sa guidance na niya. Iyang pagpasok ko sa politika na noong araw hindi ko ma-imagine na mangyayari.
“Sabi ko noon pagtanda ko, siguro magdidirehe na lang ako ng pelikula o kaya magpo-produce. Alam ko namang hindi ako leading lady habang buhay. Pero honestly, hindi ko naisip o pinangarap maging mayor, governor at congresswoman pa. Wala eh. Wala iyan sa plano ko. Wala sa isip ko. Ano ba ang malay ko riyan? Pero natutuhan ko rin namang lahat.
“Ngayon, aminado akong pasaway pa rin ako. Hindi kasi ako iyong basta susunod na lang eh. Kung ano ang inaakala kong tama, roon ako. Minsan galit ako, kasi alam kong may magagawa para sana mas maging tama ang trabaho namin, pero sa kongreso majority wins. Nakaiinis lang kung alam mong may magagawa kang mabuti na hindi mo magawa,” pagkukuwento ni Ate Vi.
Isa na nga riyan iyong kaso ng ABS-CBN. “Alam ko naman from the start kung ano ang sentiments niyong iba. Siguro there was a time nasagasaan din sila. Pero ako ang iniisip ko roon iyong dami ng taong mawawalan ng trabaho tapos may pandemya pa. Bumoto ako against the majority na dapat kinabibilangan ko. Pero iyon ako eh. Hindi ko mababago iyon,” sabi pa niya.
HATAWAN
ni Ed de Leon