Saturday , May 10 2025

Huwaran natin ang mga opisyal

 HINDI ako doktor, kundi isang mapanuring mamamayan gaya ng maraming nagbabasa ng kolum na ito. Pero masasabi kong matagal ko nang pinagsususpetsahang si Presidential Spokesperson Herminio “Harry” Roque, Jr., ay may malalang “foot-in-mouth disease.” At hindi basta walang katuturan lang ang kanyang mga pahayag o pagkakamali sa pagkokomento, kundi nagdudulot ng peligro ang pagkontra niya mismo sa kanyang mga sinasabi; maaalala sa kanya ang lumang kasabihan na “action speaks louder than words.”

Hindi kapani-paniwala kung paanong siya lagi ang pangunahing naglalahad ng mga pahayag ng Palasyo tungkol sa mga ipinatutupad na health protocols ng gobyerno laban sa panganib ng COVID-19 pero biglang kumalat sa internet ang kanyang mga retrato na nagsasalita sa harap ng nagkukumpulang mga tao sa dalampasigan ng Bantayan Island sa Cebu.

Pero hindi na ako nagulat dito, dahil mayroon siyang mahabang kasaysayan ng pagbaligtad sa kanyang mga dating pinaninindigan – mula sa pakikipaglaban noon para sa karapatang pantao, naging tagapagtanggol siya ng madugong gera kontra ilegal na droga, at pinabulaanan ang lahat ng alegasyon ng extrajudicial killings; mula sa pagtawag noon sa China bilang “aggressor” alinsunod sa pandaigdigang batas, idinepensa naman niya ang magkaugnay na paggalugad sa West Philippine Sea bilang “praktikal na solusyon” sa agawan sa teritoryo. Naging abogado siya noon ng pamilya ng transgender na si Jennifer Laude sa paglilitis kay US Marine Joseph Scott Pemberton; pero ngayong taon, sinabi niyang inirerespeto niya ang ‘karunungan’ na pinagbasehan sa pagpapatawad sa Amerikanong sundalo?

Kamakailan lang, kinuyog ng batikos ng netizens si Spox Roque sa pakikipaglaro sa mga dolphins sa Subic at sa pagbi-videoke sa Baguio. Pero paano kaya niya nagawang magpalusot na hindi raw niya “kontrolado ang sitwasyon” nang pinili niyang humawak ng mikropono at magsalita sa harap ng nangagtipong mga tao kahit na alam niyang inilalagay niya sa alanganin ang buhay ng mga tao habang nakikinig sa kanya, ang ilan ay walang suot na masks o face shields, at lalong walang social distancing?

Hindi na marahil naaalala ni Spox Roque ang payo ng World Health Organization (WHO), kaya malinaw nating ipaaalala ito sa kanya sa kolum na ito. Sinabi ni WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus na ang mga lider sa iba’t ibang panig ng mundo ay “inaasahang magiging huwaran” sa pagpapatupad sa mga “non-pharmaceutical interventions tulad ng pagsusuot ng mask, laging paghuhugas ng kamay, at pagpapanatili ng isang metrong distansiya.”

Mas deretsahan ang sinabi ni Dr. Michael J. Ryan, chief executive director ng Health Emergencies Programme ng WHO: “Kailangan ng mga tao ang napakalinaw, maaasahan, at regular na komunikasyon ng kung ano ang mga dapat na gawin. Kahit ano pa ang nakasulat sa mga poster at ano pa man ang sabihin nilang mga paggabay, kung hindi isinasabuhay ang mga patakarang ito ng mga lider at opisyal, malilito ang mga tao at mauuwi sa pamomolitika ang usapin.”

Mapopolitika nga ang isyung ito kung magpapatuloy at ipagkikibit-balikat na lang ang iresponsableng ginawa ni Roque sa harap ng publiko. Totoong kasunod nito ay nagpalabas ng mga paalala sina Interior Secretary Eduardo Año at Health Secretary Francisco Duque III na malinaw na tumutukoy sa ginawa ni Roque sa Bantayan. Pero ganoon na lang ba iyon? Malinaw naman na pinalusot na lang ang nangyari — tulad ng kung paanong hindi sinisi si Sen. Manny Pacquiao sa pagtitipon-tipon ng mga tao habang namamahagi siya ng relief goods sa Batangas o sa pagkakatalaga kay Gen. Debold Sinas bilang PNP Chief sa kabila ng kanyang kontrobersiyal na “mañanita” lockdown party.

Tiyak na lalong malalagay sa peligro ang buhay ng marami sa atin kung ganito ang mga opisyal na magsisilbing huwaran natin sa pagdiriwang ng paparating na holidays. Magiging kandidato tayo sa second wave ng COVID-19 sa pagpasok ng 2021 kung gagayahin natin ang halimbawa ng mga nasabing opisyal.

 

*             *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

 

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Endoso ni VP Sara kina Imee at Camille, wa epek

AKSYON AGADni Almar Danguilan HINDI rin umepekto ang pag-endoso ni Vice President Sara Duterte kina …

Firing Line Robert Roque

Ano na ngayon ang tingin ng mga botante kay Pulong?

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. SINABI ni Congressman Pulong Duterte na ipapa-“authenticate” niya sa …

Sipat Mat Vicencio

FPJ Panday Bayanihan Partylist para sa mapayapang halalan

SIPATni Mat Vicencio ILANG araw na lang at tuluyan nang magdedesisyon ang taongbayan kung sino …

Dragon Lady Amor Virata

Fake news requirement na National ID para sa pagboto, ayon sa Comelec

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata SABI ng Commission on Elections (COMELEC), ‘wag maniniwala sa …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Bakit pipi ang PDP sa isyu ng West Philippine Sea?

AKSYON AGADni Almar Danguilan BUKOD sa trabaho, food security, at kalusugan, isang pangunahing election issue …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *