TIGILAN na muna natin iyang mga nakaka-stress na pangyayari at problema ng bagyo, tutal naman eh ano pa nga ba ang magagawa natin? Sa ayaw at sa gusto naman natin ay may susunod pang bagyo, na hindi naman natin mapipigil, kaya tingnan naman natin ang good side.
Muling nagpakita ng kagandahang loob si Jericho Rosales, at sa pagkakataong ito ay kasama pa ang kanyang asawang si Kim Jones nang makisama sila sa mga rescuer na nagliligtas ng mga biktima ng baha sa kanilang village sa Marikina. Talagang kulang ang mga rescuer sa dami ng kailangang tulungan. Maski nga ang mayor ng Marikina ay nagsabing hindi makakaya iyon ng LGU at nanawagan na sa pribadong sector para tumulong.
Si Jericho at ang misis niya, gamit ang kanilang surfboards, ay umikot at hinanap ang mga biktima ng baha. Pero sabi nga niya, marami sa mga biktima ay takot na mabasa ng tubig baha dahil sa banta ng leptospirosis, kaya sa halip na sila ang sumagip, sila ang gumawa ng survey para malaman ng rescue team kung saan sila pupunta para mapabilis pa ang pagsagip sa mga biktima. Isa pa, nabibigyan ng priority kung nasaan ang mga senior citizen at ang mga bata.
Happy naman si Jericho habang ikinukuwento niya ang ginawa niya sa maghapong iyon, nakalubog siya sa baha at hindi alintana ang peligro ng leptospirosis, makatulong lang sa kanyang kapwa. Sabi nga ni Jericho, sanay na siya sa ganoon. Ginagawa niya iyon sa tuwing magkakaroon ng malaking baha. Gusto lamang niyang makatulong sa mga kapitbahay niya.
Pero iyong ginagawang iyan ni Jericho ay hindi basta pagtulong lamang. Matatawag na nga iyong isang “kabayanihan,” dahil ginagampanan niya ang tungkuling hindi naman sa kanya, pero para sa ikabubuti ng kanyang kapwa. Matindi iyan, lalo na’t kung iisiping wala namang ambisyong kumandidato si Jericho.
HATAWAN
ni Ed de Leon