MATAPOS lamang ang magdamag na pagdadalamhati, inihatid na ang labi ng aktres na si Mila del Sol sa kanyang huling hantungan sa Loyola Memorial Park. Una,!gusto talaga ng pamilya na maging pribado lamang ang panahon ng kanilang pagdadalamhati. Hindi rin naman maaaring tumanggap ng napakaraming bisita, dahil alam naman ninyo kung ano ang sitwasyon ngayon.
Isa pa, maganda naman at ang itinuturing na reyna ng pelikula noong kanyang panahon ay naihatid na sa huling hantungan bago pa nagsimula ang bagyong si Ulyses.
Biglang may nagtanong kung bakit may mga post si Onemig Bondoc na sinasabing si Mila del Sol ay lola niya. Eh kasi totoo namang lola niya ang aktres. Ang ama ng ermat ni Onemig ay si Amado Rivera Jr., na kapatid naman ni Mila na ang tunay na pangalan ay Clarita Villarba Rivera.
Bale pamangkin naman ng namayapang aktres ang female star na si Monette Rivera na nakasama sa Bagets 2, na kapatid naman ng ermat ni Onemig.
Nagsisimula pa lang si Onemig, alam na ng mga tao ang kanyang relasyon sa mga kilalang showbiz personalities na nauna sa kanya.
Talagang pamilya naman sila ng mga artista. Bago naging artista si Mila, ang talagang artista na ay ang kanyang nakatatandang kapatid na si Norma del Rosario, na siya sanang kinukuha nilang artista sa Giliw Ko, pero umalis iyon sa showbiz nang mag-asawa na. Nag-audition din para sa role si Carmen Rosales, pero hindi nagustuhan ni Dona Sisang ang ilong niya. Si Mila naman, inayawan ng director na si Carlos Vander Tolosa dahil sa tingin niya napakabata pa, 16 lang, at kung kumilos ay parang tomboy, pero si Dona Sisang na siyang producer ng pelikula ang nasunod. Naging malaking hit naman siya sa pelikula.
Makulay ang buhay ni Mila, lalo na kung babalikan ang mga kabayanihan na ginawa niya noong panahon ng world war II bilang volunteer ng Philippine Red Cross, at niyong Blue Ladies na tumutulong sa prisoners of war.
HATAWAN
ni Ed de Leon