MALUGOD na tinanggap ni Senador Christopher “Bong” Go ang resolusyon na pinagtibay ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) noong Miyerkoles, 7 Oktubre, na nagbibigay ng tulong teknikal sa Filipinas upang tugunan ang human rights concern sa bansa na may kaugnayan sa war against dangerous drugs.
Ayon kay Go, ang naturang resolusyon ay magiging daan para sa mas malalim pang kooperasyon at mas positibong pakikipag-ugnayan sa pagresolba sa problema ng bansa laban sa ipinagbabawal na gamot.
Binigyang-diin ng Senador na ang bansa ay mayroon na ngayong mga kinakailangang mekanismo at mga institusyong nagagamit, tulad ng independiyenteng judicial system, at ang naturang resolusyon ay makatutulong upang lalo pang mapalakas.
Iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mula sa umpisa ng kampanya laban sa illegal na droga noong Hulyo 2016 hanggang sa huling datos na inilabas nitong Agosto 2020, ay nakapagsagawa na sila ng 176,777 anti-illegal drugs operations at 256,788 katao ang naaresto.
Kabuuang 620 drug dens at clandestine laboratories naman ang nabuwag at 3,322 kabataan, edad 7-anyos hanggang 17-anyos ang nasagip mula sa naturang anti-drug operations.
Kaugnay nito, hinimok ni Go ang international community na labanan ang kalakalan ng ilegal na droga bilang isang pandaigdigang pamayanan ngayong mayroon na itong isang transnational character.
“As President Duterte said in his first address to the UN General Assembly, open dialogue and constructive engagement with the United Nations is the key,” anang senador.
Ang UNHCR resolution ay ipinanukala ng Filipinas, India, at Nepal, at UNHRC non-members, na kinabibilangan ng Hungary, Iceland, Norway, Thailand, at Turkey.
Ito ay pinagtibay ng buong pagkakaisa.
Sa ilalim ng resolusyon, ang tanggapan ni UN Rights Chief Michelle Bachelet ay hihingian ng suporta para sa pamahalaan ng Filipinas para sa patuloy nitong pagsunod sa kanilang international human rights obligations at commitments.
Ang tulong ay magpopokus sa domestic investigative at accountability measures, pangangalap ng mga datos sa mga paglabag ng mga pulis, engagement sa civil society at sa Commission on Human Rights.
Tatalakayin rin nito ang national mechanisms para sa pag-uulat at pag-follow-up, counterterrorism legislation, at human rights-based approaches sa drug control.
Bilang isang senador, tiniyak ni Go na ipagpapatuloy nila ang kampanya ng kasalukuyang administrasyon laban sa ilegal na droga.
Maghahain aniya siya ng mga panukalang magpapalakas sa law enforcement bodies at justice system sa bansa.
Noong Hulyo 2019, inihain ni Go ang Senate Bill 399 na naglalayong magtatag ng drug abuse treatment at rehabilitation centers sa bawat lalawigan sa bansa sa ilalim ng superbisyon ng health department, bilang suporta na rin sa kampanya ng bansa laban sa ilegal na droga.
Anang senador, sa laban kontra illegal drugs ay kailangan rin bigyang-atensiyon ang rehabilitasyon at recovery o kagalingan ng mga biktima nito.
Aniya, ang drug dependents ay maikokonsiderang biktima ng drug trade, na dapat mabigyan ng medical, psychological at spiritual help upang matagumpay na makabalik sa lipunan bilang isang repormado, malusog at produktibong mamamayan.