WALA sa panahon ang pagpapalit ng mga namumuno sa Star Magic. Una ang lahat ng idea simula’t simula ay binuo ng director na si Johnny Manahan. Sina Mr. M at Mariole Alberto ang nagpatakbo niyan (Star Magic) noon pa man. Parang hindi ito ang panahon na mawala sila roon at magpalit ng diskarte sa handling ng talents, lalo na’t kailangan pa nga nilang makipag-deal ngayon sa ibang networks dahil sa mga talent nila na kinukuha ng iba.
Mahirap ang sitwasyon nila ngayon. Wala silang sariling estasyon, at kailangang maihanap nila ng trabaho ang kanilang mga artista. Hindi lamang para masabing may trabaho ang mga iyon kundi para may kitain din ang talent center nila at mapasuweldo ang natitira pa nilang mga tao. Nakapag-retrench na sila, sana hindi muna pinabayaang mapalitan ang mga namumuno.
Pero natural lang naman na medyo humanap nang mas matibay na matitindigan sina Mr. M. kaya siguro tinanggap na niya ang pagdidireheng muli ng mga TV show na ipalalabas naman sa TV5.
Mayroong ibang mga artista sa ilalim ng Star Magic na nagpaalam na dahil mas gusto nilang sumama na muna kay Mr. M. at least sigurado na nga naman silang may project maski paano.
Ewan kung ano ang kalalabasan ngayon dahil sa pagpapalit ng mga namumuno sa Star Magic, at natural hindi naman dapat asahan iyong kagaya ng dati ang kanilang impluwensiya. Malaking bagay sa kanila ang katotohanang sa ngayon ay sarado ang ABS-CBN. Hindi na gaya nang dati na siguradong may paglalagyan sila ng kanilang talents. Hindi na rin naman gaya nang dati na malaki ang talent fee na nakukuha ng kanilang mga talent. Hindi na puwede iyon maliban kung kukunin sila ng iba, dahil ang mga show naman ng ABS-CBN, inilalabas na lang sa cable at internet.
HATAWAN
ni Ed de Leon