HINDI biro ang kinahaharap nating kalaban, ang COVID 19 – hindi nakikita kaya ang lahat ay pinakikiusapan ng pamahalaan na mag-ingat. Hindi naman lingid sa kaalaman natin na patuloy na pumapatay ang virus lalo’t wala pang bakuna laban dito.
Para makontrol ang posibleng hawaan, nakikiusap ang gobyerno sa lahat na sumunod sa mga ipinaiiral na health protocols.
Isa sa protocol ang social distancing, kailangan isang metro ang layo ng bawat isa.
Pinayagan ng pamahalaan na bumalik sa lansangan ang ilang pampublikong sasakyan sa kondisyon na dapat sumunod ang operators sa kalakaran – ang social distancing para sa mga pasahero. Hindi lamang estriktong one-meter away ang ipinaiiral ngayon sa mga public transport kung hindi kabilang na rin ang pagsusuot ng mga pasahero ng face mask at face shield.
Kaya ang batas sa pagsakay ngayon sa mga pampublikong sasakyan ay “no face mask/shield, no ride.” Tama lang!
Pinaiiral ang mga kalakaran para maiwasan ang hawaan sa loob ng sasakyan. Katunayan maging sa pagsakay sa pribadong sasakyan ay estriktong ipinaiiral ang protocols.
Batid natin na hindi biro ang kalabang ‘veerus’ pero, ano’t bakit tila nagmamagaling ang pamunuan ng Department of Transportation (DOTr). Gumawa ng sariling batas o desisyon para sa ipinaiiral na distansiya para sa one-meter away sa social distancing.
Nagpalabas ba naman ng sariling ‘guidelines’ ang DOTr. Pinaiksi ang sukat ng one-meter social distancing sa loob ng mga pampasaherong transportasyon. Ang dating isang metro ay ginawang .75 meter.
Naku po! Sa isang metro na lang nga ay maraming naghahawaan, lalo na siguro sa .75 meter. Teka, kailan pa ba naging health consultant ang mga nakaupong matatapang sa DOTr? Huwag nang makialam sa trabaho ng mga eksperto sa kalusugan. Hayaan na lamang ang mga eksperto na pag-usapan ang suhestiyon ninyo (DOTr) at hindi iyong basta-basta na lamang ninyong ipinatutupad. Hindi porke dabarkads ka ng Pangulo ay sige na lamang sa paggawa ng sariling desisyon, hindi ba Doc ‘este’ Secretary Arthur Tugade? Kaligtasan ng mamamayan laban sa CoVid -9 ang pinag-uusapan po dito.
Kung ang presidente nga ay laging nananawagan sa publiko na mahigpit na pairalin ang isang metrong distansiya, dapat ganoon din po tayong lahat. Kung maaari nga e, two meters away para mas sigurado.
Huwag nang indintihin ang kaunting kita ng mga pampublikong transportasyon at sa halip, mas mahal ang magpagamot.
Kaya nararapat lang na bawiin ng DOTr ang ‘sariling basta’ at sa halip, leave it to the expert ‘ika nga. Yes, Mr Secretary Tugade, hayaan ninyo ang DOH o IATF sa paggawa ng desisyon kung kailan dapat bawasan ang sukat ng distansiya.
Kaya nga binuo ng Palasyo ang IATF para para maiwasan ang pagdami ng biktima ng CoVid-19 pagkatapos ay balewain ito ng DOTr. Mismong si DILG Secretary Eduardo Año na rin ang nagsabi na hindi man lamang kinonsulta ng DOTr ang health professionals o ang DOH at IATF.
Huwag ganoon Ginoong Kalihim, hindi porke closed ka sa Palasyo ay gagawa ka na ng ‘sariling basta.’ Anyway, naniniwala naman si Año na babawiin ni Tugade ang kanyang ‘sariling basta.’
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan