MARAMI ang nanghihinayang sa maagang pagpanaw ni Marichu Perez Maceda, o si Manay Ichu. Isa si Manay Ichu sa pinaka-progresibong lider ng industriya ng pelikula sa ating bansa, at marami ang umaasa na pagkatapos nitong pandemya, isa siya sa mga magsisikap at makaiisip ng paraan para muling ibangon ang industriya. Sa totoo lang, sila naman kasi ang nakaaalam kung ano ang dapat gawin dahil nabuhay sila sa industriya. Iyan namang ibang lider ngayon kaya lang nandiyan dahil mga political appointee iyan na sa loob lamang ng isa o dalawang taon, mawawala na lahat iyan. Ang maiiwan iyong mga lehitimong lider, kagaya nga ni Manay Ichu.
Hindi problema iyong kanyang edad eh, napakalakas pa ng katawan ni Manay, in fact, busy pa nga siya dahil sa Metro Manila Film Festival, at iyan nga ang inaasahan niyang magiging simula ng muling pagbangon ng industriya. Iyan ang sinasabi niya eh, kung magbubukas nga ang mga sinehan sa Disyembre, at ang mga pelikula sa festival ay kikita naman, magandang simula na nga iyon. Pero sinasabi nga niya, hindi rin ganoon kalaki ang inaasahan niyang kita dahil sa ipinatutupad pa ring social distancing sa loob ng mga sinehan kung sakali.
Pero ngayong wala na si Manay Ichu, sino kaya ang susunod sa kanyang mga yapak? Mabilis na nagpahayag ng kalungkutan si Congresswoman Vilma Santos, na matagal na kaibigan ni Manay Ichu. Si Ate Vi naman kasi sa Sampaguita nagsimula noong 9 years old pa lang siya, halos sabay din silang lumaki ni Manay Ichu.
Mabilis ding nangpahayag ng kalungkutan si dating Presidente Erap Estrada. Katulong kasi niya si Manay Ichu nang itatag nila ang Mowelfund. Malaki rin ang kinalaman ni Manay Ichu sa pagkakatatag ng Film Academy of the Philippines na matagal din siyang director-general. Si Manay Ichu rin ang kauna-unahang chairman ng FDCP.
Talagang pilay ang industriya ngayong wala na si Manay Ichu.
HATAWAN
ni Ed de Leon