INILINAW kahapon ng Energy Regulatory Commission (ERC) na nasusunod ng Distribution Utilities (DUs) ang itinakda nilang system loss cap, ito ay sa harap ng akusasyon ng dating Distribution Utility na Panay Electric Company (PECO) sa More Electric and Power Corporation (More Power) na mas mataas ang systems loss na sinisingil ng huli sa kanilang customers.
Ayon kay ERC Chairman Agnes Devanadera, mahigpit nilang mino-monitor ang pagsunod ng mga DU sa itinakda nilang system loss cap.
Sa ilalim ng ERC rules, ang mga DU ay kailangang magsumite ng kanilang system loss reports kada buwan gayondin ang sworn statement annual report kaya masusing na namo-monitor ng ahensiya kung mayroong hindi sumusunod.
Taong 2018 nang magpatupad ng system loss cap na 6.5% ang ERC sa lahat ng mga DU na may layong mapababa ang binabayaran ng mga customer alinsunod sa itinatakda ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at para mapagbuti ng mga power supplier ang kanilang distribution system.
“The lowering of the system loss caps is a move to bring down the power rates and help electricity consumers mitigate the impact of rising costs of commodities and services. This will encourage distribution utilities (DUs) to improve their distribution system and facilities so that they adhere to the newly-prescribed system loss cap,” nauna nang pahayag ni Devanadera.
Matatandaan na binatikos ng More Power ang PECO sa paggamit nito sa kaalyadong grupong Koalisyon Bantay Kuryente (KBK) para palabasin na 7.1% ang kanilang sinisingil na system loss, mataas sa 6.5% na itinatakda ng ERC.
Mali umano ang paninira ng PECO dahil sa katunayan mula nang magsimula ang kanilang operasyon noong Pebrero 2020 ay nasa 6% system loss lang ang kanilang ipinapasa sa Iloilo power consumers na mas mababa pa sa itinatakda ng ERC.
Nangako ang More Power na maaasahan ng 65,000 Iloilo power customers na mas bababa pa ang kanilang system loss sa loob ng susunod na tatlong taon resulta na rin ng kanilang ipinatutupad na modernization program.
Dalawang klase ang system loss:
Ang una ay technical loss o ang nawawalang koryente habang nagtatransmit mula sa generation company patungo sa mga DU kaya kung maayos ang distribution system mas malaki ang tsansa na walang maaksayang koryente;
Ang ikalawa ay non-technical, o ang nawawalang koryente dahil sa pilferage o pagnanakaw sa pamamagitan ng paggamit ng jumper,
Ang bayad sa nawawalang koryente ay ipinapasa sa mga customer sa pamamagitan ng system loss charge.
Naging kontrobersiyal noon ang mataas na system loss sa Iloilo City sa ilalim ng PECO dahil umabot ito sa 9.93% noong 2017 na pinakamataas sa lahat ng private utiliies sa bansa.
Pinakamataas din ang generation charge na sinisingil ng PECO na nasa P2.50 kwh mas mataas pa kaysa mas urbanisadong at malalaking lugar gaya ng Maynila, Cebu, at Davao.
Itinuturing din na pinakamataas ang singil sa koryente sa Iloilo City sa ilalim ng PECO sa mahigit 70 bansa sa buong mundo at ito ay resulta ng lumang distribution lines, transformers, at substations na noong dekada 70 pa naitayo at ang nadiskubreng 30,000 illegal power connection.