Nakahanda na ang kabubukas pa lamang na bagong isolation facility sa pagtanggap ng mga pasyenteng COVID-19 positive sa National Government Administrative Center (NGAC) sa New Clark City na inilalaan ng pamahalaang panlalawigan ng Pampanga kaugnay sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 na nagresulta sa pagkapuno ng mga quarantine facility ng Athletes’ Village at Diosdado Macapagal Memorial Hospital.
Ayon kay Governor Dennis “Delta” Pineda, hindi kakayanin ng mga community isolation facility kung patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
“Start na ho natin na tatanggap ng mga COVID-19 positive dito sa NGAC (National Government Administration Center) sa Tarlac. Ito ay joint project sa pagitan ng BCDA and Province of Pampanga, and we have 323 beds available pa nito na magiging isolation facility natin. Now kasi sa present situation natin na mabilis ang increase ng cases ito yung available na mabilis na nai-setup,actually naka-setup na,” pahayag ng gobernador.
Ayon kay Dr. Dax Dula, NGAC Incident Manager, mayroon silang mahigit 30 tauhan kasama na ang mga registered nurses, nursing assistants, at karagdagang housekeeping personnel upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga pasyente at suporta ng ibang ahensiya ng gobyerno tulad ng PNP na nagpapatupad ng seguridad ng mga pasyente sa loob ng pasilidad. (Raul Suscano)