GINUGUNITA ngayong buwan ang unang anibersaryo ng pagpanaw ni dating Environment Secretary at ABS-CBN Foundation chairperson Gina Lopez.
Ang alaala ng kanyang mga makabuluhang programang pantao at mga aral sa buhay na kanyang itinuro ay mapapanood sa mga cable TV programs at digital platforms ng ABS-CBN Corporation at ABS-CBN Foundation sa buong buwan ng Agosto.
Ang pinakaaabangan ng lahat ay ang paglulunsad ng librong, I Am Gina, na isinulat ni Jenie Chan. Ang libro ay naglalaman ng mga kamangha-manghang kuwento ng naging buhay ni Lopez bilang misyonaryo sa Africa at India. Nakapaloob din dito ang mga kagila-gilalas na pagsubok at kahanga-hangang tagumpay na kanyang natamasa sa pagpapatupad ng iba’t ibang proyektong simulan.
Kilala bilang isang environmentalist at pilantropo si Lopez. Siya ang naglunsad ng mga natatanging proyekto tulad ng Educational Television (ETV), Bantay Bata 163, La Mesa Watershed Reforestation, at ang paglilinis ng Ilog Pasig.
“Ang nakapaloob na mensahe ng buhay at mga naisakatuparang proyekto ni Gina Lopez ay pagmamahal–pagmamahal sa kabataan, sa kalikasan, sa bansa, at sa ating mga kababayan. ‘Yan ang dahilan kung bakit ang tema ng isang buwang paggunita na ito ay ‘Genuine Love Forever,’” pahayag ni Susan Afan, managing director ng ABS-CBN Foundation.
Sa gitna ng kahirapang nararanasan ng karamihan ngayong panahon ng pandemya, hangad ng ABS-CBN na ang mga aral na ibinahagi ni Lopez ay patuloy na makapagbigay-inspirasyon sa mga Filipino. Sabi niya noong siya’y nabuuhay pa, “huwag mawawalan ng pag-asa at patuloy na manalangin sa Panginoon.”
Magkakaroon din ng tribute ang programang ASAP Natin ‘To para kay Lopez sa Agosto 30. Mapapanood ito sa iWant, YouTube, at Facebook pages ng ABS-CBN.
Abangan ang G Diaries sa iWant sa Agosto 16, 23, at 30. Ipalalabas dito ang iba’t ibang kuwento at mga ‘di-malilimutang alaala ni Lopez sa likod ng kamera noong siya ang host ng programa mula 2017 hanggang 2019.
“Nag-uumapaw ang pagmamahal niya sa atin at dahil rin sa pagmamahal na ito, nagawa niyang ilunsad ang mga proyekto tulad ng Bantay Bata 163, Bantay Kalikasan, Bantay Usok, at ang I Love Foundation,” pagbabahagi ni Ernie Lopez, nakababatang kapatid ni Gina na siyang host na ngayon ng G Diaries.
“Sobra ang kanyang pagmamahal sa kalikasan. Sobra. Pero ang rason kung bakit mahal niya ang kalikasan ay dahil sa halaga at silbi nito para sa atin at para sa ating bansa. Mahal niya ang mga tao at mahal niya ang kalikasan dahil sa mga posibleng magawa nito para sa mga taong naninirahan dito.”
Mapapanood ang The Healing Eucharist sa iWant.ph, isang live na misa alay kay Lopez sa Agosto 19, ang eksaktong araw ng anibersaryo ng kanyang pagpanaw.