“KAGAYA rin sa kongreso, na may mga batas na hindi namin inaayunan. May mga aksiyong aming tinututulan. Pero sa isang demokrasya kasi, kung ano ang gusto ng majority iyon ang nasusunod eh. Bilang isang mambabatas, hindi man tayo minsan ayon sa batas, pero dahil batas iyan wala tayong choice kung hindi sumunod. Kaya iyon naman ang sinasabi namin, puwedeng may mga bagay na hindi natin gusto, pero dahil iyon ang umiiral na batas, susundin natin,” sabi ni Congresswoman Vilma Santos.
Natanong kasi siya sa mga bagay na iyan dahil maraming mga measure ang administrasyon na hindi siya umayon, kahit na siya ay sinasabing kasama sa majority party at deputy speaker pa nga ng house. Isa na riyan ay ang pagkakait ng franchise sa ABS-CBN, at alam naman natin bumoto siya nang pabor sa network.
Ngayon, doon sa isinusulong na death penalty, alam din naman ng lahat nga hindi siya sumuporta sa bill na iyan kaya siya tinanggalan ng committee noong araw pa.
“Pero iyon nga eh, kung ano ang desisyon ng majority, wala tayong magagawa kundi sumunod,” sabi pa ni Ate Vi.
Ngayon, sinasabi nga niya na nakakausap niya mismo ang mga frontliner, at marami ang sinasabi ng mga iyon na mga regulasyong mas maganda kung siyang maipatutupad kaysa umiiral na regulasyon. “Pero kasi hindi naman tayo ang nakatataas eh, kaya sumusunod lang tayo,” sabi niya.
“Basta ang ginagawa natin, tumutulong tayo kung ano man ang magagawa natin para mas mapagaan ang trabaho at dalhin naman ng mga mamamayan natin. Kung paano tayo makatutulong iyon ang mas una nating dapat isipin,” sabi pa ni Ate Vi.
HATAWAN
ni Ed de Leon