BUENO MANO si Rudy Gobert ng Utah Jazz sa hanay ng mga manlalaro ng National Basketball Association (NBA) na tinamaan ng COVID-19 noong Marso.
Bagama’t walang naninisi sa pagkakaroon ng virus, pinuna siya ng kanyang team sa pagiging burara at kung paano niya trinato ang sitwasyon kaya nalagay sa alanganin ang kanilang buong team.
Nang gumaling si Gobert ay pilit inayos ng Utah coaching staff ang problema sa loob lalo na ang problema kay Donovan Mitchell na nahawa kay Gobert.
Pero maugong ang alingasngas sa sirkulo ng basketball sa NBA na posibleng umalis sa team ang sentro.
Dagdag ng mga kritikong may malilikot na imahinasyon, tensiyonado ngayon ang Utah at puwedeng magresulta iyon ng paglalagay sa trade market ni Gobert.
Ayon sa Bleacher Report, interesado ang Chicago Bulls sa nangyayari.
Nasa imahinasyon nila ang posibleng trade sa pagitan ng Bulls at Jazz.
Puwedeng akitin ng Bulls ang Jazz sa ibibigay nilang players na sina Coby White, Wendell Carter Jr., Thaddeus Young, at 2020 unprotected first-round pick.
Puwedeng isakripisyo ng Bulls ang tropang nabanggit, pero kapalit ang isang Gobert na kayang magdikta ng laban dahil sa kanyang matinding depensa.
Puwedeng ikonsidera ng Utah ang nakatatakam na offer ng Bulls, at obyus na hindi na puwedeng maibalik ang dating pagsasama nina Gobert at Mitchell sa mahabang panahon.
Tiyak na apektado iyon sa renewal ng kontrata ni Gobert sa 2021. Puwedeng hindi ibigay sa kanya ang maximum contract.
May lamat ang relasyon ni Gobert sa kanyang teammates, at hindi na magiging mahirap para sa Utah na ilagay siya sa trade sa tamang presyo.