MATAPOS ang huling pagdinig ng kongreso ukol sa prankisa ng ABS-CBN, marami sa mga mga residente at mga tagasuporta ng ABS-CBN na tinaguriang largest broadcast network sa bansa, ang binatikos si Batangas 2nd District Representative Raneo Abu ng mga residente ng lalawigan dahil sa umano’y hindi makatarungang pagboto sa pagsasara ng ABS na isinaalang-alang na lang sana sa kanyang mga kalugar.
Tila parang ‘ninakawan’ ang mga residente ni Rep. Abu at ng buong Kamara, sa libreng impormasyon sa pinakahuling balita lalo sa Batangas, na may regional network ang ABS-CBN.
Ayon sa isang residente ng Bauan,Batangas na si alyas Melanie: “Paano at saan kami kukuha ng impormasyon na mabilis at agad-agad kung may mga sakuna tulad ng bagyo o lindol o ibang sakuna? E ipinasara nila ang ABS-CBN! Sana inisip na muna nila ang mga tao na pinaglilingkuran bago bomoto.”
Hindi lang kasi ang ABS-CBN sa Metro Manila ang apektado sa pagbasura sa prankisa ng broadcast company, kundi maging ang lahat ng estasyon nito sa buong bansa, kabilang ang regional network group sa Batangas.
May sariling TV Patrol ang Batangas na napapanood ang pinakamainit na balita at update sa lalawigan, bukod sa mismong TV Patrol sa Maynila na ipinapalabas din nila.
Matapos ang pagboto ng 70 kongresista na binansagang “Reject 70” sa 2022 elections, hindi na makikita sa “free TV” ang ABS-CBN Batangas.
“Tatandaan namin ang ginawa ni Congressman Abu,” pahayag ng isa pang residente sa Bauan na hindi na nagbigay ng pangalan.
Dagdag nila, ni hindi man lang sila kinonsulta para malaman ang tunay na damdamin nilang mga Batangueño sa prankisa ng ABS-CBN.
“Nagpa-survey ba sila? Kasi ang alam ko marami sa amin ha, hindi sinasalamin ang naging boto niya. Hindi iyan ang gusto namin. Sana nagtanong siya. Saan niya nakuha ang ideya na gusto namin mawala ang ABS-CBN,” ani alyas Melvin ng Mabini, Batangas.
Tulad ni Melanie at Melvin, naniniwala ang maraming mga Batangueño na mali ang boto ni Rep. Abu na hindi pinag-isipan o kinonsulta ang mga tao.
Naniniwala silang dapat mabigyan ng prankisa ang network, at kung may pagkakamali ay pagmultahin at huwag isara. Dahil hindi lang mga trabahador sa Metro Manila ang apektado pati mga nasa probinsya.
Ganito rin ang mga pagsasalarawan sa social media. Sabi ng isang Don Bay Pangilinan sa Facebook, dapat magpaliwanag si Abu kung bakit siya bomoto na hindi pabor sa ABS-CBN.
“Si Congressman Raneo Abu ay Representative ng 2nd District ng Batangas. Isa siya sa mga bomoto ng “yes” para huwag bigyan ng prankisa ang ABS-CBN. Dapat ipaliwanag mo boto mo,” pahayag nito.
Sinabi ni Cecil Clerigo Llamoso na tila nakalimutan ni Abu Ang naging ambag ng ABS-CBN sa mga panahon ng sakuna.
“Nakalimutan yata nila na unang tumulong ang ABS noong sumabog ang Taal. Alam ko hindi maganda ang manumbat pero, hello tanaw-tanaw din kahit paano. Huwag pansarili kasi ang daming tao ang natulungan, pero dahil nga sarili lang ang iniisip nila ‘di tatalab ‘yun sa kanila,” aniya.
Pinuri naman si Batangas 6th District Rep. Vilma Santos-Recto sa paninindigan niya sa ABS-CBN.
“Proud ako sa congresswoman namin kasi sinuportahan niya ang mga trabahador. Mahirap maghanap ng trabaho sa panahon ng pandemya,” ayon kay Alvin Magpantay ng Lipa City.
“Hindi lang Star for All Seasons kundi fighter and champion ng masa,” dagdag ni Magpantay.
Umaasa silang makakabalik sa ere ang ABS-CBN at nangakong tatandaan nila ang mga bolmoto sa pagsasara nito sa 2022.