IGINIIT ni Senador Manny Pacquiao na dapat kasama ang distant learning program ng Department of Education (DepEd) sa pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan.
Ani Pacman, ”kailangan ay walang naiiwan sa DepEd learning program. Lahat ng estudyante ay dapat mayroong access sa mga aralin. Kaya gusto ko rin pong malaman kung paano ang sistema ng DepEd sa pagpapatupad ng blended learning na plano nila.”
Sinabing laptop, tablet, TV, at transistor radio ang gagamiting medium ng DepEd para sa pagtuturo ng mga lesson sa may 22 milyong estudyante. Kamakailan, nagpalabas na ng minimum specifications ang DepEd para mga laptop at tablet na dapat bilhin ng mga estudyante.
Pangamba lamang ni Pacquiao, paano na ‘yung mga walang kakayahang bumili ng laptop o tablet lalo na ngayon na maraming nawalan ng trabaho? Paano ang kanilang pambayad ng internet connection?
Sinabi pa ng senador na, ”kawawa naman ‘yung mga estudyante na sa transistor radio lang makikinig ng mga aralin. Magkakaroon ng imbalance at discrimination. Agrabyado ang mga mahihirap at nasa malalayong lugar.
“Alam ko po ang nararamdaman ng mga maraming mahihirap na pamilya na may anak na nag-aaral. Naranasan ko po ‘yan kasi riyan din po ako nanggaling.”
Kaya naman suhestiyon ng senador, gawing isa sa mga medium sa pagtuturo ang paggamit ng telebisyon.
“Ang telebisyon ang naiisip kong pinaka-akma sa panahong ito dahil halos 90% ng mga tahanan ay mayroong telebisyon. Ang gusto ko sanang malaman ay kung ano po ang nilalaman o content ng ipalalabas ng DepEd sa TV at radio sa kanilang plano.
“Gusto ko rin pong malaman kung mayroon na po bang dedicated na 13 TV at 13 radio stations para matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante mula kinder hanggang grade 12?”
Pahayag pa ng senador, kung hindi pa handa at nakasisiguro ang DepEd sa kanilang learning program, mabuting ipagpaliban muna ang pagbubukas ng klase hanggang maging tiyak ang solusyon ng DepEd.
Anito, hindi dapat gawing eksperimento ang mga estudyante dahil kapag hindi naging epektibo ang mga gagawing pamamaraan, lahat ng pagkakamali na mararanasan ay maaaring dalhin ng mga estudyante hanggang sa kanilang pagtanda.
MA at PA
ni Rommel Placente