BONGGA ang fund raising concert ng ABS CBN 2 na tinawag nilang Pantawid Ng Pag-ibig, na ginanap noong Linggo ng gabi. Napanood ito sa nasabing estasyon. Ito ang concert na ang performers ay puro talent ng Kapamilya Network.
Sa kani-kanilang bahay lang sila kumanta. Napanood sila thru Zoom application. Ang ilan sa mga kumanta ay sina Lea Salonga, Xian Lim, Apl de Ap, Inigo Pascual, Carlo Aquino, JM de Guzman, ang mag asawang Regine Velasquez at Ogie Alcasid, mag-inang Zsa Zsa Padilla at Karyle, ang loveteam nina Liza Soberano at Enrique Gil. Lani Misalucha, ang bagong kasal na sina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli, Jona, Angeline Quinto at Gary Valenciano.
Si Vice Ganda naman ay ipinakita ang music video ng bago niyang awitin na ang title ay Corona Ba-Bye Na.
Ginawa itong fund raising concert para makalikom ng pondo. Ibibigay ito ng Dos sa mga taong nangangailangan, na hindi kumikita ngayon dahil hindi makapagtrabaho sanhi ng Covid-19.
Marami naman ang tumugon sa panawagang ito Dos. Maraming malalaking business company at mga nakaririwasa sa buhay ang naghulog sa bank accounts na ipinakita sa telebisyon. Almost P256.6-M ang nalikom nila.
Ang pondong nalikom sa Pantawid ng Pag-Ibig ay gagamitin sa pagbili ng bigas, delata, noodles, biskwit, gatas, kape, shampoo, sabon, detergent, at bitamina na ibibigay sa mga Filipinong hindi makapagtrabaho o hanapbuhay para sa kanilang pamilya dahil sa quarantine.
Sinimulan na noong nakaraang linggo ang pamamahagi ng relief packages na pinangunahan ng mga alkalde sa Metro Manila. Sa tulong at suporta mula sa publiko at pribadong sektor, at sa patuloy na pagtitiwala at pakikiisa ng mga lokal na pamahalaan, umaasa ang ABS-CBN na mapalawig pa ang serbisyo nito sa labas ng Metro Manila, na marami rin ang nahihirapan at humihingi ng tulong.
MA at PA
ni Rommel Placente