INAMIN ni Smokey Manaloto na kabado siyang makatrabaho si ex-Senator Jinggoy Estrada dahil unang beses niya at hindi niya alam kung ano ang ugali nito.
Gagampanan ni Smokey ang karakter na bestfriend ni Jinggoy na pareho silang OFW kaya lagi silang magkasama sa mga eksena noong nasa Qatar sila.
“Barkada kasi kami so, hindi ko alam kung paano, baka may masabi ako kaya dapat tantiyahin ko muna,” saad ng aktor.
Sabi namin na dapat may bonding moment muna sila ni senator Jinggoy bago gumiling ang kamera.
“Madali namang gawan ng paraan ‘yun, at saka ‘pag artist aka, kaya mo lahat,” say ni Smokey.
Hindi na bago ang role bilang bestfriend, ”bago pa rin kasi first time kong makakasama si Kuya Sen, hindi ko pa siya nakakatrabah ever. Sa tagal ko nang nag-aartista ngayon lang ako nabigyan ng pagkakataong makatrabaho siya kaya nga kinakabahan ako.
“Kasi hindi ko alam kung paano siya, pero sa lahat naman ng reaksiyon ng mga tao rito pati na rin si Sylvia (Sanchez), masarap nga katrabaho si kuya Sen kaya excited akong makatrabaho siya.”
At dahil planong isali ang Coming Home sa 2020 Summer Manila Film Festival, ”tiyak mabilisang shooting ito pero hindi porke’t mabilisan ay hindi ito pulido. Mayroon pang 21 days para i-shoot ang pelikula para umabot sa Pebrero 15 deadline, ha, ha, ha.”
Hirit namin hindi na sila matutulog para umabot dahil napaka-ikli ng 21 days para sa pelikula.
“Ha, ha, ha, bibigyan naman ng pagkakataong makatulog siguro, every other day ang shoot, kasi kadalasan naman ang pelikula it takes 10-15 days shoot plus post prod pa. Hindi ko alam kung paanong diskarteng gagawin nila, baka hindi na matulog sina Direk Adolf (Alix, Jr.),” say ni Smokey.
Samantala, walang regular serye ngayon si Smokey, ”Mayroon under the works na nakikipag-usap sa akin sa parehong network (ABS-CBN at GMA 7). Hindi naman ako exclusive, ako naman kung saan mayroong trabaho, roon ako.”
At dahil si Sen Jinggoy ang producer para sa kanyang Maverich Films ay tinanong namin kung tinawaran ang talent fee niya?
“Maayos ang usapan at hindi ko alam kung ano ang naging hatol, malalaman ko pa ‘yan mamaya,” masayang sagot ng aktor.
At ayon naman sa manager nilang si Annaliza Goma ng Powerhouse Arte Management, masaya siya sa talent fees ng mga artista niyang kasama sa Coming Home. Sa madaling salita, ibinigay ni Senator Jinggoy at ng line producer na si Arnold L. Vegafria ang hininging TF ng buong cast.
“Ako naman masaya na akong may trabaho kahit na anong ibigay,” sambit pa ni Smokey.
Ang Coming Home ay mula sa Maverich Films at ALV Films mula sa direksiyon ni Adolf Alix, Jr. kasama rin sa pelikula sina Sylvia Sanchez, Ariella Arida, Jana Agoncillo, Channel Morales, Alvin Anson, Vin Abrenica, Julian Estrada, Jake Ejercito, Edgar Allan Guzman, Almira Muhlach, Martin Del Rosario, at iba pa.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan