INAYUDAHAN ng Ayala group ang libo-libong pamilya na naapektohan ng pagsabog ng bulkang Taal sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga ipinadalang water tankers upang mabigyan ng potbale waters ang mga residenteng nasa iba’t ibang evacuation area sa mga lalawigan ng Batangas at Laguna na ngayon ay isinailalim sa state of calamity.
Sa report, ang 30 water tankers ay inisyal na nagdala ng 248 cubic meters ng tubig sa 19 evacuation centers sa Batangas at Laguna.
Kahapon, ang water tanks ay ikatlong ulit nang nagpa-refill sa Laguna Water na halos 10,000 evacuees ang nabigyan ng libreng potable water na kailangang-kailangan ng maraming pamilyang nagsilikas mula sa kanilang mga tahanan.
Nitong 13 Enero 2020, nagpadala ang Manila Water ng 30 water tanker trucks sa Balara headquarters sa Quezon City, at naghatid ng 248 cubic meters ng inuming tubig sa 19 evacuation centers sa Batangas at Laguna, at doon ay nakahimpil ang kanilang water tankers.
Sa pakikipag-ugnayan sa Batangas Provincial Disaster Risk Reduction at Management Office (Batangas PDRRMO), patuloy ang ginagawang pag-ayuda ng Manila Water sa mga evacuees sa bayan ng Sto. Tomas, Tanauan City, Lipa City, Batangas City, San Pascual, San Luis, at Cuenca, kabilang ang Tagaytay City at Alfonso sa Cavite, upang mabigyan ng malinis na inuming tubig.
Kaugnay nito, namahagi rin ang Manila Water Foundation ng 2,000 units ng 5-gallon bottles ng potable water sa evacuees na nasa Sta. Teresita at Bauan, Batangas, maging ang mga nasa munisipalidad ng Agoncillo, San Nicolas, Laurel, Taal at Talisay.
Ang patuloy na relief operations ng Ayala group ay naisagawa sa pakikipag-ugnayan mula sa Batangas PDRRMO, MMDA, RAF International Forwarding Phils. Inc., GMA Kapuso Foundation, Inc., Philippine Air Force 710 SPOW, 730th Combat Group – Nasugbu, Batangas at Bureau of Fire Protection – Laurel, Batangas at mga kinatawan mula sa Barangay Labas.
Naglagay din sila ng Globe’s Libreng Tawag at charging station sa Brgy. Amuyong sa covered court sa Tagaytay-Nasugbu Road, Alfonso, Cavite at ito ay binuksan nitong 13-16 Enero dakong 9:00 am hanggang 6:00 pm.
Maging sa Cavite (Brgy. Amuyong Covered Court, Bagong Tubig Barangay Hall, Brgy. Kaybagal South Old Rehab Center, at Luksihin National HS sa Brgy. Luksuhin) at Batangas (Sto. Tomas City Evacuation Center Poblacion 3) ay naglagay din ang Globe Telecom (Globe) ng limang Libreng Tawag at charging stations na sinimulan din nitong 13 Enero at magtatapos hanggang 16 Enero 2020.
Nabatid na maglalagay ng mga karagdagang Libreng Tawag at charging centers upang matulungan ang mga apektadong pamilya ng pagsabog ng bulkan na makausap ang kanilang mga pamilya na nasa iba’t ibang sulok ng daigdig sa gitna ng nangyaring kalamidad.