NATAWA si Judy Ann Santos dahil hindi natapos ang finale presscon ng Starla na hindi natanong sa kanya for the nth time si Piolo Pascual kung posible silang gumawa ng pelikula. Marami kasi ang naghihintay na muli silang magtambal dahil halos lahat ng pelikula nila ay super blockbuster.
Ayon sa aktres na napangiti, “In fairness, consistent every year natatanong sa akin ‘yan. It’s not impossible pero kagaya ng sinabi ko patagal nang patagal nagiging kritikal ‘yung istorya, kritikal ‘yung latag ng materyal kasi everybody is looking forward for a Piolo-Juday project. But with a perfect project, right director and perfect timing, bakit naman hindi.”
Nabanggit din ng aktres na wala silang isyu ni Piolo, “Okay naman kasi kami kapag nagkikita, we’re okay!”
At dahil nga blockbuster ang mga pelikula nina Juday at Piolo ay isa ito sa ikinatwiran na kaya hindi pa natutuloy dahil maraming umaasa.
“’Yun ang isa sa nakatatakot kasi nag-e-expect sila na magiging super blockbuster, eh, (paano) kung hindi? Kasi hindi tama ‘yung materyal, ang daming kailangang i-consider. So, I’m not just being selfish because I just don’t want, maraming kailangan pa talagang i-consider,” katwiran ng aktres.
Pero nang banggitin na baka si direk Cathy Garcia Molina ang magdirehe ay nagulat si Budaday (tawag kay Juday).
“Cathy, ha? Ha ha, ha, ha,” tanging sagot ng aktres.
Hmm, baka nga ito ‘yung sinasabi sa amin ni direk Cathy na bago siya magbakasyon ay may isang project pa siyang gagawin sa Star Cinema.
Anyway, huling linggo na ng Starla ngayon kaya’t abangan ang mga pasabog ni Teresa (Judy Ann) at kung paano niya matatalo si Dexter (Joem Bascon) sa ginagawang panggigipit sa mga mamamayan ng Barrio Maulap.
Ang Starla ay isinulat ni Dindo Perez at idinirehe nina Onat Diaz, Darnel Villaflor, at Jerome Pobocan. Binigyan nito ng liwanag ang mga gabi ng mga manonood sa paghatid nito ng good vibes sa primetime at nagturo ng magagandang aral sa mga bata at buong pamilya. Sa pagsisimula ng 2020, pinapaalala rin nito at hinahangad na baunin ng mga manonood ang kahalagahan ng pagtulong sa kapwa, pagmamahal, pagpapatawad, pag-asa, at pamilya.
Kasama sa Starla sina Enzo Pelojero, Jana Garcia, Meryll Soriano, Joel Torre at marami pang iba handog ng Dreamscape Entertainment.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan