DALAWANG araw bago ang Traslacion, dinala sa Quirino Grandstand ang imahen ng Itim na Nazareno para sa tradisyonal na pahalik.
Hindi tulad ng mga nagdaang taon, dinadala sa Quirino Grandstand ang imahen tuwing 8 Enero ngunit ngayong taon, 6 Enero pa lamang, dinala na dakong 2:00 am upang mabigyan ng pagkakataon ang maraming deboto na makalapit at makahalik.
Nauna nang pumila ang mga kagawad ng pulisya sa Maynila bago sila magbantay sa unang araw ng simula ng pahalik sa poong Itim na Nazareno sa Quirino Grandstand, Ermita, Maynila.
Habang mahigpit na ipinatutupad ang seguridad sa pahalik, naging magandang pagkakataon ito sa mga nagtungo nang maaga sa Grandstand dahil hindi na nahirapan pang pumila at maghintay nang matagal.
Nasa halos 500 ang ipinakalat na pulis ngayon sa Grandstand para sa patuloy na pagdagsa ng mga deboto na nais makahalik sa Poon.
MMDRRMC
KASADO SA 2020
TRASLACION
PARA masiguro ang kaligtasan ng mga debotong sasama sa Pista ng Itim na Nazareno, naka-blue alert ang Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC).
Ipinag-utos ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim, concurrent head ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC), ang pagtataas ng blue alert status ng disaster and emergency response units ng MMDRRMC epektibo ngayong Lunes 6 Enero hanggang 10 Enero 2020.
Ang MMDRRMC ay binubuo ng national government agencies at local risk reduction and management councils ng 16 siyudad at isang munisipalidad sa Metro Manila.
“Sa ilalim ng blue alert, lahat ng response clusters at mga miyembro ng MMDRRMC ay naka-standby para sa responde sa emergency na maaaring mangyari sa pagdiriwang ng taunang aktibidad partikular sa Traslacion,” ani Michael Salalima, concurrent chief of staff ng MMDA Office General Manager at Focal Person para sa Disaster Risk Reduction and Management.
Samantala, ininspeksiyon ni Lim ang sitwasyon sa Quirino Grandstand pagkatapos ng 6:00 am misa sa lugar, habang nakapila ang mga deboto para sa pahalik sa imahen ng Itim na Nazareno.
“Nag-deploy kami ng 1,000 MMDA personnel para umasiste at tumulong na magpanatili ng kaayusan para sa aktibidad. Naglagay din ng barikada at mga bakal na bakod para sa pila ng mga deboto,” pahayag ni Lim.
Emergency at medical assistance naman ang ibibigay ng mga miyembro ng Metropolitan Public Safety Office katulong ang volunteers sa mga masusugatan at mahihilo.
Magmamando ng trapiko ang traffic enforcers sa Quirino Grandstand at Quiapo Church at magsasagawa ng clearing operations sa kahabaan ng ruta para sa prusisyon ng Itim na Nazareno.
Tutulong sa crowd control ang mga miyembro ng Sidewalk Clearing Operations Group at Metro Parkways Clearing Group sa pahalik. Aalisin din nila ang lahat ng road obstructions sa kahabaan ng ruta ng prusisyon.
Naipakalat na ang mga traffic mobile patrols, ambulansiya, road emergency vehicles, surveillance and communication units, at iba pang kinakailangang mga sasakyan sa mga pangunahing lugar sa lungsod ng Maynila.
(JAJA GARCIA)