Friday , January 10 2025

Isumbong n’yo si Tulfo

MULA’T sapol ay hindi naman talaga mga itinuturing na kalaban sa politika at sa oposisyon ang problema ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte at ng kanyang administrasyon, kung ‘di ang mismong mga tao na malalapit sa kanya.

Hanggang ngayon, tila hindi yata nahahalata ng pangulo na kung sino pa ang kanyang mga pinagtitiwalaan at ina­asahang makatutulong sa kanya ay sila pa ang kalimitang nagpapasakit ng kanyang ulo at mga ngipin.

Kabilang na riyan ang mga nagpapa-importanteng Tulfo brothers sa media na kung makaasta ay daig pa ang langaw na nakatuntong sa kalabaw.

Pero imbes makatulong kapalit ng mga pabor na kanilang tinatamasa, mas nagiging malimit na problema ang ibinibigay sa pangulo kung ‘di man ay iginagawa pa siya ng kaaway.

Ang tinutukoy natin ay pangalawang kaso laban kay Ramon Tulfo at ilang editors ng pahayagang The Manila Times na inihain ni Exe­cutive Secretary Salvador “Bingbong” Medialdea sa Manila Prosecutor’s Office noong June 17, 2019.

Ayon kay Medialdea, pawang malisyoso at walang katotohananan ang mga isinulat ni Tulfo sa kanyang kolum noong May 28, 2019.

Sa liham ni Medialdea sa naturang pahayagan, aniya:

“I chose to be quiet in all his backhanded accusations and malicious articles against me, and let my lawyer just file the appropriate libel case against him for a libelous article he previously wrote in this newspaper.”

Aba’y, ‘di ba nakapagdududa nga naman ang motibo ng kolum ni Tulfo at ng pahayagan sa issue na may kaugnayan sa “collection of sum” o sinisingil na reward?

Inakusahan pa raw ni Tulfo si Medialdea na may ‘unholy alliance’ kay Sandra Cam.

Ang pagbanat ni Tulfo kay Medialdea ay halos walang ipinagkaiba sa kuwento ng isang radio station owner sa akin na bigla ko tuloy naalaala.

Hindi rin maintindihan kung ano ba talaga ang gustong palabasin ni Tulfo – ang kanyang pagiging kolumnista ba o ang titulong special envoy to China na bigay sa kanya ni Pres. Digong?

Imposible talagang maging patas sa pamamamahayag kung pinagsasabay ang pagiging kolumnista na ay gov’t official pa, lalo’t ginagamit lang na maskara sa public service.

Kaya naman hindi nakapagtataka kung bakit ilang beses nang sumabit sa gulo itong si Tulfo, pinakahuli ang eskandalosong pagwawala niya sa Philippine General Hospital (PGH).

Kapag ang kolum o programa sa radyo at telebisyon ay ginagamit nang armas sa pananakot, hindi ba terorismo na ang tawag diyan?

Kamakailan ay isiniwalat din ni dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre III sa publiko ang umano’y paninira sa kanya dahil sa hinihinging pabor na hindi naibigay kay Tulfo.

Sa ayaw at sa gusto ni Pres. Digong ay siya ang mapapasama sa kapalpakan na kagagawan ng mga makasisira sa kanya.

May mga nagsasabi na ang pagkakatalaga raw kay Tulfo na special envoy ay isang malaking kahihiyan hindi lang sa foreign service kung ‘di sa administrasyon mismo ni Pres. Digong.

Panahon na para ipagpag ni Pres. Digong ang mga tulad ni Tulfo na hindi na nga nakatutulong ay nakapagpapagulo pa sa kanyang adminis­trasyon.

Habang may mga gaya ni Tulfo sa kasa­luku­yang administrasyon, hindi na nanga­ngailangan ng mga kalaban si Pres. Digong sa oposisyon.

Pakiramdam yata ni Tulfo ay kapantay niya si Pres. Digong sa kapangyarihan kung makaasta.

‘Di ba mas bagay kung ang pamagat ng kanyang programa sa radyo ay “Isumbong n’yo si Tulfo”?

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: lapidfire_14@yahoo.com)

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

QC-LGU, may paaginaldo pa sa QCitizens

AKSYON AGADni Almar Danguilan TAPOS na ang Pasko…at heto nga Bagong Taon — 2025 na, …

Firing Line Robert Roque

Renovation na karapat-dapat

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. SUMASAILALIM ngayon ang Rizal Memorial Sports Complex, isang makabuluhang …

YANIG ni Bong Ramos

Another year over, a new one just begun

YANIGni Bong Ramos WAGI at napagtagumpayan nating tapusin at lagpasan ang lumipas na taon 2024 …

PADAYON logo ni Teddy Brul

FPJ Panday Bayanihan Partylist patok sa masa

SUMISIKAT sa masa ang party list na FPJ Panday Bayanihan party-list. Isa sa mga pangunahing …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos: kulelat na sa Pulse Asia, kulelat pa rin sa SWS

SIPATni Mat Vicencio KUNG hindi magbabago ng taktika si Senator Imee Marcos sa kanyang ginagawang …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *