NGANGA mga ‘igan ang sambayanang Manileño sa ipinakikitang gilas ng bagong halal na alkalde ng Maynila, Mayor Isko Moreno, sa pagsasaayos ng Kamaynilaan. Nilinis ang kapaligiran, maging mga tao’y nilinis din sa kaliwa’t kanang katiwalian at katarantadohan sa loob lamang nang dalawang Linggo. Okey ka Yorme, yakang-yaka mo ‘yan! Tatlong Linggo pa, siguradong magagalang na at respetado na ang bawat Manileño sa Lungsod ng Maynila!
Wow!
Dumating sa puntong naging palaisipan ang matinding aksiyon ni Moreno. Ano’t hindi ito nagawa ng dating administrasyon, partikular ang pagpapatalsik sa ‘illegal vendors’? Aba’y isa lang ang sagot ng mandarambong na dating Manila Mayor, Erap Estrada, “kaawa-awa ang mahihirap.”
Wow, pinanindigan ni Asyong Salonga na siya’y si Erap, para sa mahirap.
He he he… pwee! ‘Di kaya… baligtad ito? Mas naging pahirap si Erap sa mahirap, na sa madaling-salita’y sadyang… “Erap…pahirap?”
Naging usap-usapan din mga ‘igan ang isinagawang pagpapaganda ng ‘Lagusnilad’ ni Ka Isko. Ganoon din ang naging sistema, ipinatanggal ang mga tindahan at talaga namang nilinis ang kapaligiran.
Kuskos dito, kuskos doon, haaayyy…pumuti namang ‘di hamak ang dati’y maruruming tiles dito. Sadyang kaya naman palang linisin, ano’t hindi ito nagawa noon?
Pagkatapos ng ‘illegal vendors’ mga ‘igan, aba’y isunod na ang mga tiwaling barangay officials na sila pa umanong pasimuno sa mga katarantadohang nagaganap lalong-lalo na sa barangay na kanilang nasasakupan.
Una na riyan ang mga gagong opisyal ng barangay na silang pasimuno sa mga illegal terminal/parking partikular d’yan sa Lawton. Aba’y tuloy-tuloy ang ligaya ‘este ang happiness ng mga animal. Ang titigas ng panga ng mga ungas.
Aba’y ‘igan, huwag n’yo nang hintayin pa ang hagupit ni Ka Isko, at baka tuluyan na kayong maipako sa krus he he he…
Hagupitin na rin mga ‘igan ang mga naghahari-hariang ‘chairman’ ng barangay na lagi na lamang natutulog sa pansitan. Sus ginoo, pasimuno ng pasugalan si Chairman. Isama na ‘yung ‘bookies’ ng karera, ‘video-karera’ at marami pang iba’t ibang uri ng sugal na kahit na walang pinaglalamayan ay may pasakla si Chairman…sus ginoo!
Paging Ka Isko Moreno, nawa’y matuldukan na ang maliligayang araw ng mga tiwaling lingkod-bayan, partikular sa Maynila. Magtuloy-tuloy nawa ang pagtugis sa mga salarin at mabigyan ng leksiyon nang hindi pamarisan pa.
Magising na sana sa Chairman sa himbing ng kanyang pagkakatulog sa pansitan sampu ng kanyang mga kasabwat o’ alipores sa katiwalian at magwiwika ng ganito: “Tapos na ang maliligayang araw natin kay Isko. Dumating na ang takdang oras ng paghuhukom. Nakatatakot nang mangurakot… mahirap nang masampolan…Ingat lang ‘igan pag may time he he he…
SPORTS LEADERS ATAT SA PONDO NG SEAG
Pabago-bago ang ihip ng hangin mga ‘igan, ika nga’y lalaban o babawi. Sa pagkakataong ito’y binawi umano ang bendisyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na pangasiwaan ni Philippine Southeast Asian Games Organizational Committee (PHILSGOC) incoming Speaker Taguig-Pateros Cong. Alan Peter Cayetano ang Southeast Asian (SEA) Games.
At ayon sa aking ‘pipit-na-malupit’ itinanggi ito ng kampo ni Cayetano na hindi umano awtorisado ni Ka Digong ang PHILSGOC na pangasiwaan ang nasabing 30th SEA Games na gaganapin sa bansa sa darating na Nobyembre.
Matatandaang P5 bilyon lamang mga ‘igan ang naaprobahan ng Kongreso na hiningi ng PHILSGOC para sa nabanggit na event sa bansa. Idagdag pa ang P1 biyion para pa rin sa SEA Games dahil sa kahilingan ni Rep. Cayetano.
Sa laki ng pondong pinag-uusapan, aba’y tulo-laway ang sports leaders. Hayun at nag-aagawan. Maging sina former Philppine Olympic Committee (POC) Chairman Peping Cojuangco, na hindi ma-liquidate ang halagang P73.2 milyon pondong ginamit sa SEA Games 2005, at former Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Philip Juico na pangulo ng PATAFA ay nakisawsaw na rin.
Dahil sa nag-uumpugang bato mga ‘igan, naamoy umano ni Ka Digong na tila may pinaplanong hindi maganda ang mga ungas na sports leaders ng bansa. At siyempre, hindi basta-basta na lamang hahayaang makulimbat ang bilyon-bilyong pisong pondo para sa SEA Games! Hay naku, ano’t hindi na lamang ibigay ang panganagsiwa nito sa Philippine Sports Commission na pinamumunuan ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez?
Abangan…
BATO-BATO BALANI
ni Johnny Balani