“KAILANGAN ko pang tumanggap ng maraming labada para matapos ‘yun, unti-unti (paggawa),” ito ang sabi ni Enchong Dee tungkol sa bago niyang building na ipinatatayo sa may Murphy, Quezon City nang makausap namin sa mediacon ng Sun Life, ang Kaakbay: Stories of Lifetime Partnerships na ginanap sa Sofitel Philippine Plaza Manila noong Sabado ng hapon.
Ang pagpapa-upa ang negosyo ni Enchong at ang magulang niya ang nagma-manage nito dahil nga abala rin ang aktor sa showbiz career niya.
Lahat ng kinikita ng binata sa showbiz ay diretso sa magulang para i-manage ito hanggang sa nakapagpatayo sila ng building sa may Nepa Q. Mart na pinauupahan nila.
At ikalawa nga itong nasa Murphy na malapit din sa palengke na posibleng matapos na sa 2020 at hindi pa man tapos ay puno na ng tenants.
“Sobrang napakalaking blessings kasi pagbukas niyon (building) puno na siya kaagad. Inuunang tapusin ang taas tapos pababa, kumbaga wala kang nakikita sa loob, nasa taas ang developing lahat,” say ni Enchong.
Ilang taon na hindi napapanood si Enchong sa serye at hindi rin niya alam kung bakit pero umaasang magkakaroon din siya.
“Pero may gagawin akong pelikula, at saka ko na sasabihin ‘pag tuloy na tuloy na kasi negotiation palang,” pahayag ng binata.
Nabanggit na nami-miss na si Enchong sa teleserye, “ako rin name-miss ko na rin ang sarili ko,” natawang sagot nito.
Bakit nga ba wala pang teleserye si Enchong? “Ewan ko nga. Tayo ay isang sundalo lamang at sumusunod kung anuman.”
At dahil dito ay tinanong namin kung hindi niya naisip na lumipat ng TV network tulad ng ginagawa ng iba na kapag walang naibigay na project.
“Hindi ko naisip ‘yun kasi may kontrata ako. Bigyan mo ng palabra de honor ‘yung pinirmahan mo, so I’ll stay with that,” mabilis na sagot ni Enchong.
Hanggang 2020 pa magtatapos ang kontrata ni Enchong sa ABS-CBN kaya sabi namin ay tatanungin namin siya sa susunod na taon kung ano ang final decision niya.
“Oo, August next year,” saad nito.
Hirit namin kung totoong nagpadala siya ng feelers sa GMA 7.
Napangiti ang aktor at sabay sabing, “wala! Hindi naman. But I’m looking for options also. Hindi ako nagpadala but they are interested. Personally, hindi ako, kasi kung ako lang, marami naman akong puwedeng gawin, eh. Marami pa akong gustong gawin pa besides showbusiness. So, ako siguro, I’ll stick to my contract. Marami pang mangyayari.”
Samantala, napunta ang usapan sa lovelife dahil matagal na ring single ang status ni Enchong kaya tinanong namin kung bakit wala pa rin hanggang ngayon.
“Hindi naman kailangan ‘yun. Hamu na muna,” saad nito.
Kaya ang muling itinanong sa aktor ay ano ang dahilan bakit parang may pumipigil na makahanap siya ng kanyang lifetime partner.
“It’s not naman hinder but I feel that personally it’s not my priority this time right now. There are things that I’m doing now, feeling ko kailangan ko munang gawin before I can actually settle down,”katwiran ng aktor.
Anyway, ang swimming coach ni Enchong ang binigyan niya ng tribute sa nakaraang Sun Life, ang Kaakbay: Stories of Lifetime Partnerships dahil ang nasabing coach ang nagpayo sa kanya kung paano mangarap.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan