SA ipinamamahaging leaflet bilang campaign materials sa pagka-mayor na may sukat na 8.5 inches’ x 14 inches ni Vico Sotto, nakasulat na lahat ang limang pangunahin niyang plataporma.
At dito rin nakasulat na nagtapos si Vico ng Political Science sa Ateneo de Manila University at Master’s Degree in Public Management sa Ateneo School of Government.
Ang mga karanasan ng binata sa serbisyo publiko ay naging Konsehal ng Pasig at matagumpay na isinulong ang Pasig Transparency Ordinance (kauna-unahang local ng batas para sa Freedom of Information sa Metro Manila), Project Associate at Board Member sa Government Watch, Inc. Volunteer sa office ni Rep. Roman Romulo. Legislative Staff Officer sa Sangguniang Panglungsod ng QC, Intern ng Miriam Center for Peace Education, Professional lecturer Arellano University at Professional Fello, Youth Southeast Asian Leaders Initiative (YSEALI).
Inamin ng anak nina Vic Sotto at Coney Reyes na sariling kayod at tulong pinansiyal buhat sa kanyang ama ang gastusin niya sa pangangampanya dahil kumakandidato siyang independent.
Tulad din ng ibang kumakandidatong solo o walang ka-grupo ay para wala silang pagkakautangan ng loob kundi ang mga taong bumoto sa kanila at sa kanila ito ibabalik.
“Mahirap po maging independent pero naniniwala ako na ang Pasigueno ay handa sa pagbabago, hindi naman po ako tatakbo kung sa tingin ko ang Pasigueno ay hindi handa at nakita ko na may sigaw sa Pasig na ibang estilo naman sa politika.
“So, naniniwala po ako na ‘yung mensahe po natin sa 2019 na walang palakasan, walang pananakot at malinis na gobyerno, ito po mas malakas kaysa makinarya na puwede nilang gamitin,” pahayag ng binata.
Ang mga nabanggit na plataporma ni Vico ay ang mga sumusunod: Kalusugang pangkalahatan; Pabahay; Edukasyon; Konsultasyon bago aksiyon; at Laban kontra korapsiyon.
At kapag nahalal si Vico bilang Mayor ng Pasig, hindi niya tatanggalin ang mga empleado ng City Hall.
“Lagi ko pong sinasabi kapag nagtatalumpati ako sa mga empleado ng City Hall na sa ngayon ay mahigit 8,000 na, huwag silang mag-alala dahil wala tayong tatanggalin, mula department head, enforcers, at streetsweepers lahat bibigyan ng isa pang pagkakataon. Pero oras na may makita tayong may ginagawang illegal, oras na may makita tayong katiwalian, humihingi ng lagay o nangongotong, ‘yan po ‘yung tatanggalin pero dapat may ebidensiya muna,” pahayag pa ni Vico.
Nabanggit din ng binata na ayaw niya ng power trip sa Pasig.
“Unang-una ititigil natin ‘yung pang-aabuso ng kapangyarihan, ‘yun bang kapag nakita lang na kinamayan ang kalaban ay tatanggalin na sa trabaho.
“Tinulungan lang po kaming magkabit ng sound system, tinanggal na bilang street sweeper.
”Hindi naman po siguro sikreto ‘yung korapsiyon sa gobyerno natin, again I’m not accusing anyone pero sa isang banda alam po natin na totoo ‘yan. Kaya kailangan po politiko na bago, fresh, at hindi pa disillusion sa politika. Kailangan po sila ‘yung mga tumindig, kailangan po sila ‘yung manindigan sa paggogobyerno na alam natin ang tama,” esplika pa.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan