SA unang pagkakataon simula 1934, kung kailan itinayo ang Rizal Memorial Sports Complex (RSMC), magkakaroon na sa wakas ng permanente at modernong tahanan ang mga atletang Filipino.
Ito ay matapos iharap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong pirmang Republic Act No. 11214 o ang Philippine Sports Training Center Act kamakalawa ng gabi sa Malacañang Palace sa Maynila.
Ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pangunguna ni PSC Chairman William ang mamamahala sa naturang pasilidad na alinsunod sa misyon ng pamahalaan ay maiangat at mapagyaman ang palakasan sa bansa.
May kabuuang P3.5 bilyon ang pondong inilaan ng gobyerno para sa 18-buwang konstruksiyon ng naturang PSTC.
Ang Rosales, Pangasinan ang inisyal na planong lugar na pagtatayuan ng 20 ektaryang PSTC na maglalaman ng athletes and coaches’ dormitory gayondin ang multi-purpose halls, fields at courts para sa mga larong e basketball, volleyball, football, boxing, tennis, aquatics, baseball, archery at shooting.
Kasabay ng planong PSTC construction ang pagsasasayos ng RMSC sa Maynila, ULTRA sa Pasig gayondin ng 14 iba pang regional training centers sa bansa.
Dagdag din ang PSTC sa ilang higanteng konstruksiyon ng pamahalaan para sa kapakanan ng isports kasunod ng ipinapatayong New Clark City sa Capas at Bamban, Tarlac na siyang pagdarausan ng 30th Southeast Asian Games.
Inaasahang matatapos ang New Clark City sa Oktubre, isang buwan bago ang prestihiyosong biennial event sa 30 Nobyembre hanggang sa 11 Disyembre 2019.
(JOHN BRYAN ULANDAY)