GALIT si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkawala ng mahigit sa 23,000 sako ng bigas na una nang nakompiska ng Bureau of Customs sa Zamboanga port.
Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, desmayado ang Pangulo sa insidente na pinaniniwalaan nilang may sabwatan ang BoC at ang National Food Authority (NFA).
Sinabi ni Roque, agad silang nakipag-ugnayan kay BoC Commissioner Isidro Lapeña na umaksiyon agad sa pangyayari sa pamamagitan ng pagsususpende kay Customs Zamboanga District Collector Liceo Martinez.
Bukod dito, sinibak din sa puwesto ang police customs officer sa Zamboanga na kinilalang isang Felicisimo Salazar.
Kaugnay nito, hinihintay pa rin hanggang sa ngayon ng Palasyo ang paliwanag ng NFA tungkol sa insidente.
(ROSE NOVENARIO)