NGAYON na mukhang kontrolado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng sangay ng pamahalaan – ehekutibo, lehislatura at hudikatura – ay walang dahilan para manatiling bansot ang bansa sa ilalim ng kanyang pamamahala.
‘Ika nga, lahat ay nasa kanya na, kaya wala nang dahilan para magsabi pa siya na kulang pa ang kanyang kapangyarihan. Hindi na niya kailangan pa ng dagdag na poder dahil sobra pa sa kanyang hinihingi ang nangyari matapos tanggalin sa poder si dating Chief Justice Maria Lourdes PA Sereno ng mga mahistrado na hindi niya kaaway.
Kahit ano ay puwede nang isabatas ng “rubber stamp” na kongreso at kanya na itong maipatutupad nang walang pangamba dahil tiyak na bibigyang legalidad ito ng hukuman. Alalahanin natin na wala na roon ang ‘kanyang kaaway.’
Congratulations Pangulong Rodrigo Duterte dahil wala nang sagabal sa inyong landas at mga balakin.
***
Ngayon na mukhang ilusyon na lamang ang check and balance sa pamahalaan, malaki ang responsibilidad ng mga progressive groups sa bayan na bantayan ang kilos ng mga namamahala at ‘yung mga nagsasabi na sila ay pinunong bayan.
Dahil wala nang “check and balance” ay dapat gampanan ng mga kilusang mapagpalaya ang tungkulin na dapat ay ginagawa ng mga tunay na mambabatas at mahistrado ng bayan. Pero bago pa man ang lahat, kailangang ng mga organisasyong bayan ang masinop na pag-oorganisa ng hanay, masinsing pagtatasa ng linyang pampolitika at matiyagang paghawi ng mga bagong porma ng pagkilos.
Hindi na sapat ang makalumang estilo ng pag-oorganisa, bagkus ito ay nagiging hadlang pa sa paglawak ng mga kilusan. Kailangan mag-adapt ng mga progesibong organisasyon sa daloy ng kasalukuyang panahon.
***
Hindi sapat na alam natin ang nangyayari sa ating bayan. Dapat ay alam din natin ang mga kaganapan sa buong mundo upang sa bawat pagpapasya ay may mas malawak na konteksto tayong pinagbabasehan ng ating mga desisyon.
Ang pagiging parokyal nating mga Filipino ang isa sa mga dahilan kaya kulang sa lalim ang ating mga puna at pagkakaunawa sa mga pangyayari, lalo sa bagay na may kaugnayan sa ating ekonomiya, sisteng pampolitika at kultura.
Kulang na kulang ang karamihan sa ating mga diskurso kundi man talagang walang diskurso kaya medyo hilaw ang ating mga paniniwala. Minsan hindi sapat ang mabuting intensiyon, kailangan din na may pinagbabatayan ito.
***
Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po. Pasyalan n’yo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com na lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.
USAPING BAYAN
ni Nelson Forte Flores