Monday , December 23 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Filipinas ‘game’ ka na ba? Online gaming hub na nga ba ng China ang Perlas ng Silangan?

TUNAY na klasiko ang tulang “Kung tuyo na ang luha mo aking bayan” ni Amado V. Hernandez…

Lumuha ka, aking Bayan;

buong lungkot mong iluha

Ang kawawang kapalaran

ng lupain mong kawawa:

Ang bandilang sagisag mo’y

lukob ng dayong bandila,

Pati wikang minana mo’y

busabos ng ibang wika…

Naaalala po ng inyong lingkod ang tulang ito dahil sa nakalulunos na kalagayan ngayon ng ating bayan.

Alam ba ninyong, hindi lang iisang beses tayo natanong ng ilang mga kababayan natin kung ang Filipinas ba raw ay bagong “online gaming hub” ng China?!

Alam po ba ninyo kung bakit tayo natanong nang ganito?!

Dahil sa south Metro Manila po ay sandamakmak ang mga online gaming hub na ang mga nagpapatakbo at nagtatrabaho ay pawang Chinese mainlander.

Ang mga hub na ito ay mayroong lisensiya o permiso bilang call center pero sa totoo lang ito ay mga gaming hub ng mga Intsik.

Kaya ang dating pinag-uusapang isyu na sinasabing ‘pagsakop’ ng China sa Spratly o sa West Philippine Sea na malinaw na paglabag sa soberaniya ng bansa, mahihinuha nating panligaw lang pala para huwag makita ang tahasang ‘paglukob’ ng China sa ating bansa sa mas moderno at komersiyalisadong paraan.

Sa kasalukuyan, dominado ng mga Chinese mainlander ang mga online gaming hub na nagkalat sa Alabang, Makati, Pasay, Parañaque at mga area na malapit sa malalaking Casino sa south Metro Manila.

Mayroon din umanong nag-o-operate sa Ange­les at Cebu city.

Kung pamilyar kayo sa gusali ng Pearl Plaza sa Tambo, Parañaque na sinabing nagsara dahil nalugi, ngayon po ay buhay na buhay na ito dahil isa na rin itong malaking online gaming hub na mayroon umanong 10,000 Chinese mainlander na nagtatrabaho dito.

Ilang tanggapan ng pamahalaan ang sina­bing nakapagtala na umaabot na raw sa 200,000 ang mga Chinese national sa bansa na nagsasabing nagtatrabaho sa mga tinatawag nilang call center pero ang trabaho nila ay nakatutok sa iba’t ibang uri ng online gambling games.

Ang nasabing Chinese nationals ay hindi puwedeng sabihin na ilegal lahat dahil kompleto ng papeles, nakasuot ng uniporme at malayang nakapag-iikot sa mga establisyementong paborito nilang puntahan.

Ilang halimbawa riyan ang ilang dating bahay na naging restaurant o inuman sa Multi­national Village na ngayon ay paboritong tamba­yan ng Chinese nationals.

‘Yung Double Dragon malapit sa Mall of Asia, kapag pumasok diyan, ang halos makikitang parokyano ay pawang Chinese nationals din.

Ang unang tanong, legal ba ang mga “online gaming hub” na naririto ngayon sa bansa kung saan nagtatrabaho ang maraming Chinese nationals?!

Kung pagiging legal ang pag-uusapan, puwedeng legal lalo kung may permiso ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor). Kung ang mga nagtatrabahong Chinese nationals ay sertipikado ng Department of Labor and Employment (DOLE) at binigyan ng work permit para isyuhan ng visa ng Bureau of Immigration (BI).

Ibig sabihin din kaya na legal lahat ‘yung 200,000 Chinese nationals na nagtatrabaho ngayon sa mga online gaming hub?!

Wow!

Ang laking ‘payola’ ‘este ang laking pera si­guro ng gobyerno niyan.

Pero, may isa pang tanong. Bakit naman sa Filipinas dinala ‘yang online gaming hub na ‘yan? Bakit hindi sa Cambodia? O kaya sa Thailand o kaya sa Macau?!

Bakit hindi sa China mismo?!

Sa China at sa Macau, alam naman nating lahat na ipinagbabawal ng Chinese Communist Party ang ganyang uri ng pamumuhay sa kanilang mga mamamayan.

Kung mahihirati ang kanilang mga mamamayan sa ganyang klase ng pamumuhay, eventually lalaganap ang korupsiyon sa kanilang bansa. At ayaw na nilang bumalilk sa tiwaling pamumuhay na ginawa ng mga naunang dinsti­ya sa kanilang bansa.

Sa Thailand?! Hindi papayag ang monarkiya lalo ang mga Dalai Lama.

Sa Cambodia?! Makasaysayan, malinis at kultural na turismo ang nais nilang ipalaganap sa kanilang bayan at lalong hindi nila hahayaang mabahiran ng baluktot na moralidad ang kalayaang kanilang ipinaglaban.

E bakit nga sa Filipinas, puwedeng mama­yagpag ang online gaming hub?!

‘Yan ang gustong ukilkilin ngayon ni Senator Sonny Trillanes. Isa pang tanong. ‘Yang mga pumapasok na kompanya ng online gaming hub, nagpapasok ba ng kapital ‘yan sa bansa?

O nangungutang lang sa malalaking banko rito at iyon ang ipupuhunan at patutubuin. Kapag tumubo na, ilalabas sa bansa ang kinita nila para iuuwi sa kanilang sariling bayan.

Ang huling tanong, sinakop na nga ba ng China ang Filipinas?!

Kayo na po ang sumagot, mga suki!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

 

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *