Monday , December 23 2024

Hamon sa MMDA chief: Salot na illegal terminal sa Plaza Lawton, buwagin

INALMAHAN ng mga bus company ang pagsasara ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga terminal sa EDSA, Quezon City.

Kasama ang kanyang mga kawal sa MMDA, pinangunahan ni dating Army general at ngayo’y Chairman Danilo ‘Danny” Lim ang paglusob sa mga ipinasarang terminal ng ES Transport Inc., Lucena Lines Inc., Amihan Bus Lines Inc., First North Luzon Transit Inc., Golden Bee Transport & Logistics Corp., Jac Liner Inc., Pangasinan Five Star Bus Co./Luzon Cisco Transport Inc., Philtranco Service Enterprises Inc., and Del Monte Land Transport Bus Co. na lumalabag sa “nose-in, nose-out” at iba pang ipinatutupad na polisiya.

Makalipas lang ang isang oras ay parang walang nangyari dahil itinuloy din ng mga empleyado ng First North Luzon Transit Inc., ang kanilang operasyon na ikinagalit naman daw ni Lim kaya hinatak at kinompiska ang 10 bus ng naturang kompanya.

Ang ipinasarang kompanya naman daw ng Amihan na natuklasang may pinakamataas na bilang ng empleyado – na umaabot sa 100 – ay pawang walang occupational permit.

Parang paglusob lang sa magkaghiwalay na mutiny ng grupong Magdalo noon sa Oakwood at Manila Peninsula sa Makati ang naganap na eksena sa pagsasara ng mga terminal ng bus na isa sa mga sanhi ng pagsisikip ng trapiko sa EDSA.

Walang masama at dapat lang talagang parusahan ang mga lumalabag sa batas.

Pero sana man lang ay isinalang-alang din ni Lim at ng kanyang mga tauhan sa MMDA na abisohan muna ang publiko para nalaman kung saang lugar sila maayos na makasasakay pagkatapos ipasara ang mga terminal ng bus.

Ipinagyabang naman ng chief of staff ni Lim sa MMDA na si Jojo Garcia: “They should not use the plight of the commuters. The commuters have been inconvenienced because of the bus companies’ negligence.”

Pupuwede naman palang ipasara ng MMDA ang mga sagabal sa kalsada para mapaluwag ang trapiko, bakit hindi ipinatutupad ang batas laban sa mga illegal terminal?

Isa sa tinutukoy natin ang salot na illegal terminal sa Plaza Lawton na matagal nang pinagkakakitaan ng ilang opisyal ng barangay at Manila City Hall.

Kapakanan ng publiko ang isinasangkalan ni ousted president at convicted plunderer Joseph ‘Erap’ Estrada kaya binasbasan ang pinakamalaking illegal terminal ng mga bus at kolorum van na UV Express sa harap ng Central Post Office at sakop na pati ang mga kalsada sa palibot ng Liwasang Bonifacio sa Lawton.

Hindi ba noong nakaraang taon pa may direktiba si Pang. Rodrigo R. Duterte sa MMDA na buwagin ang mga illegal terminal sa Metro Manila?

Nasisiguro natin, siyento porsiyento, ni isa sa mga kumukolekta ng ‘tongpats’ at nagmamando sa illegal terminal sa barangay Lawton ay walang maipakikitang occupational permits na requirement sa mga awtorisadong terminal ng bus na isinarado ni Lim at ng MMDA.

Ang hirap ay ‘selective’ ang mga opisyal ng MMDA sa pagpapatupad ng batas kaya nababansagang mangongotong din.

Ang salot na illegal terminal sa Lawton ay sakop ng Bgy. 659-A na pinamumunuan ni Ligaya V. Santos, ang paboritong barangay chairman ni Erap.

At para sa kaalaman ni Gen. Lim, isang dating miyembro ng Manila Police District (MPD) na nakakompetensiya sa negosyo ng salot na illegal terminal ang napatay, mahigit sampung taon na ang nakararaan.

Tingnan natin kung talagang galit nga si Gen. Lim sa korupsiyon kaya sila nag-kudeta kasama ang Reformed the Armed Forces Movevement (RAM) sa panahon ni Cory at sa Oakwood at Manila Peninsula laban sa administrasyon ni GMA.

Napatunayan na kasi sa maraming pagkakataon at sa nakaraan na kaya lang nagagalit ang iba laban sa korupsiyon ay kapag hindi sila kasali.

Marami na rin sa mga bago mapuwesto sa pamahalaan ay tumatahol laban sa korupsiyon pero nang mabigyan ng pagkakataon ay mas masahol pa pala.

Kaya abangan natin kung kayang ipamalas ng dating Army Scout Ranger ang kanyang expertise sa kudeta at mutiny laban sa salot na illegal terminal sa Lawton.

Aber, subukan nga natin si Gen. Lim!!!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *