HANDA na ang Gilas Pilipinas na makipagtapatan sa pinakamagagaling na bansa sa kontinente sa pagsisimula ng FIBA Asia Cup 2017 sa Beirut, Lebanon.
Simula na ang FIBA Asia ngayon at tatagal hanggang 20 Agosto — araw na tangkang matanaw ng Filipinas hanggang dulo tulad ng nagawa noong edisyon ng 2013 at 2015.
Bukas pa, 9 Agosto ang unang laban ng Filipinas kontra karibal na China sa Group B na gumapi sa kanila noong 2015.
Susundan ito ng sagupaan nila kontra Iraq sa 11 Agosto at Qatar sa 13 Agosto para sa pagtatapos ng Group Phase.
Sasandal ang Gilas sa 2-time Best Point Guard in Asia na si Jayson Castro, Japeth Aguilar, Calvin Abueva, Terrence Romeo, Raymond Almazan at ang nagbabalik na si Gabe Norwood.
Kasama rin ang mga bagong mukha sa Gilas na sina Carl Bryan Cruz, Christian Standhardinger gayondin ang mga bahagi ng SEABA na sina Jio Jalalon, Matthew Wright at RR Pogoy.
Lalo namang numipis ang ilalim ng Gilas na iniinda na ang pagkawala ni Andrayt Blatche dahil sa injury ng isa pang top big man na si June Mar Fajardo nang madale ng strained calf injury.
Sa kabila nito, sasama pa rin ang 3-time reigning PBA MVP na si Fajardo at titingnan ang lagay ng pakiramdam kung makapaglalaro para sa bayan. (JBU)