PINALO ni Roger Federer ang kanyang ika-lawang sunod na kampeonato buhat nang hamigin ang Australian Open nitong Enero nang angkinin ang BNP Paribas Open title sa Indian Wells, California kamakalawa.
Ginapi niya ang kababayan sa Switzerland na si Stan Wawrinka, 6-4, 7-5 upang kolektahin ang kanyang ikalimang titulo sa natu-rang torneo at maging pinakamatandang kam-peon sa Indian Wells sa edad na 35.
Ito na ang ika-90 titulo sa karera ni Federer upang bumuntot sa mga lider sa kasaysa-yan na sina Jimmy Connors at Ivan Lendl.
Inaasahang aakyat mula sa ika-siyam na puwesto sa ATP world rankings si Federer hanggang sa ika-anim na puwesto.
Samantala, naisukbit muli ni German Angelique Kerber ang ta-ngan sa numero unong puwesto ng ATP world rankings sa mga babae mula kay dating lider na si Serena Williams.
Matatandaang inagaw ni Williams ang puwesto mula kay Kerber nang ibulsa ang Australian Open sa simula ng taon, ngunit buhat noon ay hindi na nakalaro pa si Williams dahil sa left knee injury. Hindi sumali ang Amerikana sa Indian Wells at hindi rin makakasama sa Miami Open na sisiklab ngayon.
Naunang inagaw ni Kerber mula kay Williams na humawak ng number 1 puwesto noong nakaraang taon sa rekord na 186 linggo nang iuwi ng Aleman ang US Open.
Tangan ngayon ni Kerber ang tuktok sa 22 kabuuang linggo upang tumabla kay Maria Sharapova, Tracy Austin at Kim Clijsters bilang ika-13 sa pinakahaba sa all-time WTA list samantala hawak pa rin ni Stefi Graf ang pinakamahabang pag-rereyna sa numero unong rekord na 377 linggo.
(JBU)