NITONG nagdaang dekada, tila paborito ng bayan kung pilahan ang putaheng may sahog ni Manny “Pacman” Pacquiao. Kabi-kabila, kaliwa’t kanan, ano mang isla sa arkipelago ng Filipinas o saan mang sulok ng bilog na mundo, patok na patok, walang palya, swak na swak si Pacman sa panlasang pang-karinderia man o mamahaling restaurant.
Sino bang mahihirapang i-market ang Fighter of the Decade, makailang ulit na Fighter of the Year, Pound-for-Pound King at natatanging 8-division world champion? Maski tindero ng mani at yosi sa kalsada hanggang sa business tycoon, tiyak kakagat sa laban ni Pacman.
Pero dati iyon, noong wala pang ibang bagahe sa buhay si Manny. Hindi pa siya masyadong dikit sa relihiyon, wala pa siyang takot. Noong boxing lang ang kanyang tinapay at palaman. Hindi pa siya basketball coach-player. Lalo na, hindi pa siya Senador.
Lumipas na ang panahon, iyon ang tiyak. Ngunit kumupas na ba ang Pambansang Kamao at bakit tila hirap na hirap ibenta sa palengke ng kanyang promoter na si Bob Arum?
Tila baga, isang panis na putahe o bilasang isda na ba-gamat kilala ay wala nang asim upang kagatin ng madla? Laos na nga ba si Pacman at ganoon na lamang ang hirap ni Arum na ilako sa kahit anong laban?
‘Ika nga ni The Dean, Sir Quinito Henson ng Philippine Star, ang pinaka-nagbabagang tanong sa puntong ito ng ka-rera ni Manny ay “Gaano na nga ba ka-mahal o ka-mura ang labanan si Pacquiao?”
O ang mas maiging tanong, “Gaano na nga ba ang halaga ni Pacman?”
Batay sa datos, halos 10 milyong dolyar lamang ang kinita ni Pacman sa nakaraang laban kontra Jessie Vargas noong Nobyembre 2016. Wagi si Pacman at naisukbit ang WBO ngunit hindi ang kanyang bulsa dahil milya ang agwat nito sa kinitang $M140 noong 2015 kontra Mayweather.
Naglaho na ba ang Pacqu-iao magic?
Marahil, kasi nga mula sa 4.6 milyong pay-per-views noong 2015, lumagapak sa kalunos-lunos na 300,000 lamang ang nanood ng laban niya.
Malaking salik dito ang pagbitiw ng HBO sa mga laban ni Pacman dahil sa mga paha-yag ni Pacman tungkol sa LGBT Community. Binitiwan na rin siya ng Nike at ng iba pa niyang endorsement at ito ang naka-apekto sa kanyang da-ting makulay na karera. Hindi na ganoon kaapaw ang mga gym na nagpapalabas ng laban ni Pacquiao.
Kung dati’y tagatak sa pawis ng mga miron at manonood, sa kanyang huling laban puwedeng humiga at mag-inat-inat. Hindi na rin ganoon kaluwag ang EDSA. Hindi na zero-crime rate na tila holiday pag Pacquiao Day. Hindi na ganoon kalakas ang sigawan at palakpakan. Hindi na ganoon kaliwanag ang ilaw.
Sa ibabaw ng ring, wala na ang knockout power ni Pacman. Walong taon nang huli siyang makapagpabagsak ng kalaban. Ang 38-anyos ay hindi na kasing bilis ng kidlat. Hindi na ganoon kalisik ang mata nang dati’y tila gutom na gutom na Leon.
Oo, world icon pa rin si Pacman. Respetado at nakatatakot pa rin.
Pero, paano nga ba mailalako ni Arum si Pacman na hati ang isip sa boxing gym, basketball court, at plenaryo ng Senado?
May offer kay Pacman na labanan si Jeff Horn sa Australia sa darating na Hulyo. Pitong milyong dolyar ang nasa mesa. Mayroon ding $M38 nakalatag para sa kanilang dalawa ni Khan sa UAE. Ilang buwan nang gumugulong ang negosasyon, wala pang naikakasa.
Saan hahantong negosas-yon? May patol ba?
Marahil sa dulo ng daan, tama si The Dean, ‘ika niya nga, sa puntong ito, humaba ang karera ng ating idolo na si Pacman, marahil panahon na upang itanong sa kanyang sa-rili, “Ano nga ba ang pinakamahalaga sa akin ngayon?”
Ayon kay Pacquiao, ang kanyang Final Blow ay hiling niyang sa Filipinas ganapin kontra sa mahigpit na karibal na si Juan Manuel Marquez. Malabo na ang Pac-May II, wala pang linaw ang laban kay Horn, Khan o Crawford.
Nais niya, bago tuluyang maging alamat ang kanyang karera, masaksihan ang kanyang huling bira ng mga kababayan na huling nakapanood ng laban niya sa Araneta kontra Oscar Larios noong 2006. Kahit libre at sa charity na mapunta ang pera, ayos lang sa kanya.
Humamig na siya nang milyon-milyong dolyar sa pagboboksing. Labas na ang pera sa puntong ito ng kanyang kuwento.
Walang perpektong karera. Mula sa mabilis na pag-igkas ni Pacman sa mundo ng boksing, pumaimbulog din siya sa iba’t ibang antas ng buhay. Kasabay ng pagtunog ng batingting, kakanlong sa sulok ng lona ang Pambansang Kamao. Nasa dapit-hapon na nga ba ang kanyang karera?
At gaya sa mga isdang sariwa, iba ang presyo ng mga inilalako sa pondohan tuwing madaling-araw, kaysa inilala-tag sa talipapa, sa dapit-hapon.
Sabi nga ng matatanda, iba ang halaga at kalidad ng sariwang isda. Iba ang sustansiya kahit pakuluan lang sa isda at sibuyas. Kaysa isdang bilasa o ilado, gawin mang escabeche, hindi na mananamnam ang kasariwaan nito.
Isa lang ang hindi maikakaila, si Pacquiao ay mananatiling antigo tulad ng mga tinik ng isda sa unang panahon na hanggang ngayon ay pilit na sinasaliksik hangga’t hindi natutumbasan ang ipinundar na halaga.
Hindi mahirap aminin, na ang tila ‘bilasang isda’ na mahirap nang ilako sa ngayon ay parehong isda na nagpasaya sa mata ng mga manonood, bumusog sa bulsa ng mga miron at nagbigay ng kakaibang adrenalin at pantasya sa mga kabataang nangangarap na maging kagaya niya, sa nakalipas na dekada.
Iisa ang tiyak, ang ipinatikim ni Pacman sa sambayanang Filipino ay putaheng hindi na malilimutan.
Sa iisang dahilan… siya ay Pinoy.
Ang kuwento ng kanyang buhay ay isang inspirasyon na nanatili sa puso ng mga nangangarap na maabot rin ang kanyang narating.
Si Manny “Pacman” Pacquaio, ang Pambansang Kamao, ay nanatiling alamat sa sambayanang Filipino.
ni John Bryan Ulanday