ANG pagbabalik! Isang istorya para sa buong pamilya ang ihahatid ng MMK (Maalaala Mo Kaya) sa Sabado, Disyembre 24, sa Bisperas ng Pasko.
Bago ang Midnight Mass at ang Noche Buena, saksihan muna ang hatid ni direk Raz dela Torre at ng writer na si Akeem Jordan del Rosario ng episode na magtatampok sa pagbabalik ni Claudine Barretto sa telebisyon!
Tampok din sa nasabing episode sina Dominic Ochoa, Maris Racal, Louise Abuel, Mark Santiago, Yñigo Delen, Dexie Daulat, Justin Cuyugan, Claire Ruiz, at Neil Coleta.
Ito ang istorya ng mag-asawang Lorena (Claudine) at Norberto (Dominic) na nagsimula sa wala hanggang umasenso sa buhay para sa kanilang binuong pamilya.
Kahit ayaw ng kanyang pamilya sa pedicab driver niyang asawa, na nagsikap patunayang hindi sila nagkamali sa pakikipaglaban sa kanilang pagmamahalan.
At sa pag-unlad ng kanilang pinasok na negosyo sa pagbebenta ng chicharon, mani, at balut, gumanda ang ikot ng buhay nila.
Pero sumalanta si Yolanda sa kinaroronan nila sa Tacloban. At tinangay ng bugso ng bagyo si Lorena at ang dalawa nilang anak nang tangayin naman si Norberto at ang dalawa pa nilang anak ng bagyo.
Binuo ba ng kanilang pananampalataya na makita pa ang nawawala nilang dalawang anak?
Samantala, hindi na nakatanggi si Claudine nang ihain sa kanya ang script para sa Christmas episode ng MMK. Nasasabi na raw naman niya noon pa man na kung babalikan niya ang pag-arte, sisiguruhin niyang isang proyekto ito—sa TV man o sa pelikulang tatatak na muli sa tao ang kanyang papel!
HARDTALK – Pilar Mateo