VALUE and family. Ito raw ang binigyang halaga ni Direk Real Florida kung bakit naisip niyang gawin ang pelikulang Kabisera, isa sa Metro Manila Film Festival 2016 entry na pinagbibidahan ni Nora Aunor.
“Ang pamilya ang pinakaimportanteng kayamanan na mayroon ang Filipino. Sa bagong hakbang ng MMFF ngayon na magbigay ng higit na makabuluhang pelikula sa industriya, naisip naming bakit ‘di tayo gumawa ng istoryang malapit talaga sa puso ng bawat Pinoy. We’re talking about value and what’s more valuable for us Pinoys than the family?,” giit ni Direk Florido.
Ang Kabisera ay inspired sa true story, na lumaki lalo dahil pawang magagaling na actor ang kasali. Ito’y sina Ricky Davao, Jason Abalos, Victor Neri, Ces Quesada, Karl Media, at Perla Bautista. Kasama rin sina RJ Agustin, Ronwaldo Martin (kapatid ni Coco) Kiko Matos, at Alex San Agustin.
Sinabi naman ni Aunor na nakapaghihinayang kung hindi maisasali ang Kabisera sa taunang MMFF.
“Karapat-dapat lang naman na isali sa Metro Manila Film Festival ito dahil nakapanghihinayang kapag hindi nila napanood itong pelikula dahil ako mismo… tungkol sa isang pamilya na akala ko, pamilyang perpekto. ‘Yun pala, walang pamilyang perpekto sa pelikula at hanggang doon na lang ako.
“At nagkaroon kasi ng trahedya… mapapanood n’yo na napakaganda talaga ng pelikula. At kapag napanood ninyo ang pelikula, kayo na lang ang humusga. At sana panoorin nila lalo na ‘yung mga kabataan sapagkat dahil nga tungkol ito sa isang pamilya ang kuwento, tumatakbo ang kuwento ay mararamdaman nila kung ano ang kahihinatnan ng isang pamilya na napakasaya na nagkaroon ng trahedya,” giit ni Ate Guy.
Iginiit pa ni Ate Guy na hindi niya maikokonsiderang indie movie ang Kabisera. “Sapagkat itong pelikula ay pinagpaguran ng producer, ng dalawang director namin, at lahat ng artista talaga. Kung ako nga, six or seven o’clock nasa set na ako dahil alam ko na kailangan talagang tutukan ang paggawa ng pelikulang ito sapagkat nanghihinayang ako kapag hindi natutukan nang husto. Napakaganda ng pelikula talaga.”
Samantala, sinasabing muling mamamayagpag si Ate Guy sa gabi ng parangal. Posible raw siya ang magkamit ng Best Actress trophy.
“Ay hindi, ‘wag nating sabihin ‘yan kasi hindi pa natin napapanood ‘yung iba pang mga pelikulang kasali at hindi lang iisa o dalawang artista ang magaling na puwede nating sabihin, hindi…lahat sila magagaling. Lahat ng leading actors ay magaling talaga.”
Mapapanood ang Kabisera sa Disyembre 25 handog ng Firestarters Productions.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio