ni RODERICK PALATINO
CAMP VICENTE LIM, Laguna — Dalawang babae ang iniulat na namatay agad matapos tumalon mula sa 16th floor ng residential condominium ng SMDC Tower 5 sa Barangay Maharlika West, Tagaytay City, sa lalawigan ng Cavite.
Sa ulat ng pulisya, kinilala ang mga biktima na isang alyas Belle, residente sa Chateaux De Paris Village sa Barangay Inchican, Silang, Cavite at ang kasama nitong si alyas Angel, kapwa idineklarang dead on the spot.
Nangyari ang insidente noong araw ng Linggo, 22 Marso, dakong 5:45 ng umaga ngunit nag-ulat ang duty security guard na si alyas Arnold, 27 anyos, dakong 8:00 ng umaga sa parehong araw.
Sinabi ng guwardiya sa imbestigator na siya ay naka-duty at gumagala sa paligid ng Tower nang makarinig siya ng isang malakas na kalampag sa labas, na tila may nahulog mula sa itaas.
Pinuntahan niya ang pinanggalingan ng malakas na pagbagsak at natuklasan ang nakahandusay na dalawang babae sa drainage cover sa isang plant box.
Ayon sa imbestigador ng pulisya, nahulog ang mga biktima mula sa balkonahe ng isang condo unit sa ika-16 na palapag ng Tower 5.
Isang suicide note ang natuklasan sa loob ng bag ng isa sa mga babaeng biktima ng mga nagrespondeng pulis nang pumasok sila sa Unit 1615 sa tulong ng caretaker.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung may foul play o kung ang dalawang biktima ay pagpapakamatay.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com