SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
UNANG pagsasama pa lamang nina Joseph Marco at Rhen Escano sa series adaptation sa Wattpad phenomenon na My Husband Is a Mafia Boss ng Viva One subalit kita agad na may kilig sa mga ito.
Sa mediacon at sa trailer na ipinakita naghihiyawan na ang fans at kita talaga na may chemistry sina Joseph at Rhen.
Idagdag pa kung paano alagaan ni Marco ang leading lady at ang mga kakaibang sulyap. Hindi iyon nakaligtas sa matatalas na mata at pakiramdam ng entertainment press na dumalo sa mediacon noong Martes kaya agad inintriga ang mga ito.
Natanong ang dalawa kung may ‘something special’ bang namamagitan sa kanila?
Na hindi naman itinanggi ni Rhen at sinabing special ang friendship nila ni Marco.
Katunayan, simula pa lang ng taping nila ay naging komportable na siya sa aktor. Na hindi naman kataka-taka dahil maginoo si Marco.
“Sobrang na-feel ko sa kanya na hindi niya pina-feel sa akin na parang nobody lang ako. Kasi nag-alala ako noong una na parang ‘hala, baka hindi niya tanggapin itong project na ito kasi hindi naman niya ako kilala.’
“Tapos, noong nag-start kami, hindi niya talaga ipinaramdam ‘yun sa akin. Lagi pa niya akong nire-remind na dapat hindi ako ganoon mag-isip,” pagbabahagi ni Rhen.
“Malaking tulong po talaga ‘yung ganitong klaseng connection and friendship namin kung bakit naging comfortable enough din ako sa set and to portray my character well.
“Kaya masasabi ko na may special friendship between us and masaya na may ganoon on set, na may kakampi ka. ‘Yun po. Yes, magkakampi kami.”
Sa tanong kung girlfriend at boyfriend material ba ang isat’ isa, mabilis na sinabi ni Joseph na, “I think, more of wife material.”
“Siyempre naman, sino ba ang hindi magsasabi ng ‘no,’ ‘di ba? It’s Joseph Marco, everyone, come on!
“Kaya nga minsan, parang. . .to be honest, kapag sobrang in character kami, lagi ko talaga siyang pinipigilan, parang ‘wait lang, ‘wag kang masyadong intense!’
“Kasi, totoo po talaga ‘yung kilig, hindi mahirap kiligin kay Joseph Marco,” pag-amin pa ni Rhen.
Ang My Husband is a Mafia Boss ay isang love story na may dangerous twist na mapapanood simula April 11. Hango sa hit Wattpad novel ng yumaong manunulat na si Diana Marie Serrato Maranan, na mas kilala sa kanyang 1.4 million followers bilang si @yanalovesyouu.
Punompuno rin ito ng action, romance na umani ng mahigit 223 milyong reads sa Season 1 pa lang, at mahigit 390 milyong reads sa buong series. Mula sa direksiyon ni Fifth Solomon (My Sassy Girl, Sa Muli), mapapanood na sa wakas ng fans sa buong mundo ang isang kwentong puno ng kilig at thrill.
Gagampanan ni Joseph ang titular role, ang bilyonaryong si Ezekiel “Zeke” Roswell, isang matalinong engineer at CEO, na hindi alam ng marami ay siya ring makapangyarihang boss ng Roswell Mafia. Tahimik at isang perfectionist, nirerespeto ng lahat, kahit saan pumunta.
Si Rhen ay si Aemie Romero, isang college student na tila isang walking sunshine. Masayahin, isip-bata, at may pagka-slow, pero hinahangaan ng lahat sa campus. Kahit may pagka-inosente at palpak si Aemie, pagdating sa pag-aaral ay seryoso at focused.
Sunod-sunod na mga hindi inaasahan at nakatatawang pagkakataon ang maglalapit sa landas nina Aemie at Zeke, hanggang sa isang biglaang pangyayari ang ikagugulat ng lahat: silang dalawa ay ikinasal.
Sigurado si Zeke na hindi siya mai-in-love kay Aemie, kaya’t para sa kanya, siya ang perfect na babae para sa planong siya lang ang nakaaalam. Ngunit habang tumatagal ang kanilang pagsasama, unti-unti siyang mahuhulog sa pagiging sweet at malambing ni Aemie.
Ngunit may malaking problema si Zeke: paano niya sasabihin sa kanyang asawa na isa siyang mafia boss? At kapag lumabas na ang katotohanan, mas mapapalapit ba sila sa isa’t isa, o tuluyang masisira ang lahat?
Napanood na ng fans ang unang sulyap sa pagtatambal nina Joseph at Rhen sa inilabas na teaser ng My Husband Is a Mafia Boss noong March 8. Agad itong nag-viral at umani ng 12.6 milyong views sa lahat ng platforms sa loob lamang ng 24 oras. Pinuri ng viewers ang dalawa na perfect fit para sa kanilang roles, na para bang lumabas sila ng libro. Sobrang kinilig ang netizens kay Joseph bilang Zeke, habang marami ang nabighani sa charm ni Rhen bilang Aemie.
Makakasama nina Joseph at Rhen si Ara Mina, bilang ina ni Aemie na si Alyana, pati na rin sina Priscilla Meirelles, Frost Sandoval, Sara Joe, Kyosu Guinto, at ALAMAT members Mo Mitchell at R-Ji Lim,na may mga mahahalagang papel na lalong magpapatindi ng action at romance ng serye.
Kukompleto sa talented cast sina Simon Ibarra, PJ Rosario, Maru Delgado, Kelley Day, Anjo Damiles, Akihiro Blanco, Jaime Yllana, Icee Ejercito, Roberta Tamondong, Dann Aquino, Aaliyah Coco, Hazel Calawod, Naz San Juan, Bianca Santos, Yuki Sonoda, Sandex Gavin, at Edsel Santiago.
Pasukin ang mundo ng mafia at damhin ang kilig at aksyon sa My Husband Is a Mafia Boss na mapapanood sa Viva One simula April 11, na susundan ng bagong episode tuwing Sabado.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com