SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
NANAWAGAN si Quezon City Councilor Alfred Vargas para sa isang komprehensibong pagsusuri at pag-amyenda sa Anti-Bullying Ordinance ng lungsod.
Ito ay para tugunan ang nakaaalarmang pagdami ng mga kaso ng bullying sa mga pampubliko at pribadong paaralan.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng pakikipag-ugnayan ni konsi Alfred sa Quezon City Persons with Disability Affairs Office (PDAO) upang imbestigahan ang mga ulat ng bullying at pisikal na pang-aabuso laban sa mga estudyanteng PWD.
Sa isang privilege speech, ipinahayag ni Alfred ang kanyang pighati at galit dahil sa naiulat na trahedyang kinasangkutan ng isang 15-anyos na estudyanteng may seizure disorder na umano’y nagpakamatay matapos dumanas ng bullying at pisikal na pang-aabuso mula sa kanyang mga kapwa mag-aaral. Ang biktima ay naiulat na sinaktan sa loob ng palikuran ng paaralan habang ang ibang mga estudyante ay naghihiyawan pa, isang insidenteng nahuli sa CCTV.
“Layunin po nating marinig ang lahat ng mga stakeholder, mapanagot ang sinumang dapat mapanagot na may sala o may pagpapabaya na dahilan ng malungkot na pangyayaring ito. All sides should be heard. Only the truth shall be pursued,” ani Alfred.
Bumoto na ang Sangguniang Panlungsod upang imbestigahan ang nasabing insidente.
Binigyang-diin din ni Alfred na dapat muling suriin ang mga kasalukuyang sistema upang matiyak na ang lahat ng paaralan ay ligtas na lugar at hindi pugad ng karahasan.
Sinabi niya na ang bullying ay nangyayari sa kapwa pampubliko at pribadong institusyon, at dapat makialam ang lokal na pamahalaan para pigilan ang mga insidenteng tulad nito.
“Hindi po pwedeng idahilan ang pagkakaroon ng ‘batang isip.’ This is a matter of life and death. Kaya naman nananawagan po ako sa ating lahat,” anang aktor/konsehal.
“Siyempre kasama sa pamumuno ng ating Mayor Joy Belmonte at Vice Mayor Gian Sotto, at nating lahat, ang ating mga kasamahan sa Sangguniang Panlungsod na muli po nating buksan at pag-usapan ang Anti-Bullying Ordinance natin. Maaaring kailangan na po natin itong paigtingin pa at mag-adjust sa panahon upang hindi na maulit ang mga ganitong klaseng kasawian,” dagdag pang sabi ni Alfred.
Nababahala si Alfred sa kalagayan ng PWD community sa loob ng sistema ng edukasyon. Sa tulong ng PDAO, layunin ng konsehal na lumikha ng mga espesyal na reporting channels at mas mabigat na parusa para sa mga nambibiktima ng mga estudyanteng may special needs.
Hinamon din niya ang mga administrator ng paaralan at mga magulang na maging mas maagap sa halip na kumilos lamang kapag may nangyari nang trahedya.
“Sa pagbalangkas o sa pag-amyenda ng ating ordinansa, itanong din natin kung ano ba talaga ang tungkulin ng mga magulang ng mga estudyante sa pag-report ng bullying. Ano ang role, ang papel ng mga magulang kung ‘yung anak nila ang binu-bully? Lalo na, anong role ng magulang kung ‘yung anak nila ‘yung nambu-bully? Napakahalaga po ng papel ng magulang sa usaping ito,” diin ni Alfred.
Tinapos ng konsehal ang kanyang pahayag sa pamamagitan ng panawagan sa publiko na basagin ang kultura ng pananahimik sa usapin ng bullying.
“Nananawagan po ako sa ating lahat na maging mas magmalasakit sa ating kapwa. Spread kindness. At siyempre, maging mapagmatyag at maagap sa pag-report sa mga insidente ng pang-aabuso at pambu-bully. Wala pong pamilya ang dapat makaranas ng ganitong pighati dahil sa bullying,”pagtatapos ni Alfred.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com