



Ang mga larawan ay mula sa file photos ni Romeo Mariano.
“KUMUSTA na, ayos pa ba?” — ang diwa ng pagtatanong na ito mula sa awit ng Yano ay sumasalamin sa kalagayan ng maraming Filipino matapos ang Rebolusyong People Power ng EDSA noong 1986.
Apat na dekada matapos ang EDSA, nananatiling tanong kung paanong ang kapangyarihang ipinamalas ng masa ay nauwi sa konsolidasyon ng elitistang pamumuno at sistematikong korupsiyon.
Ang EDSA I ay naging pandaigdigang simbolo ng mapayapang paglaban — isang pag-aalsa ng mamamayan na sinuportahan ng ilang bahagi ng militar at simbahan na nagpatalsik sa diktadurya ni Ferdinand Marcos, Sr. Ang kanyang dalawang dekadang pamumuno, lalo na sa ilalim ng Batas Militar, ay nagbunsod ng pagyurak sa karapatang sibil, pagsasara ng midya, paglabag sa karapatang pantao, at malawakang korupsiyon at hindi pagkakapantay-pantay.
Ang pag-aaklas ay bunga nang mahabang panahon na paglaban ng mga manggagawa, estudyante, simbahan, maralitang lungsod, at oposisyon.
Sumiklab ang galit ng taong-bayan nang paslangin si Benigno Aquino, Jr. at ang sinabing pandaraya sa snap election noong 1985, na nagbukas ng daan sa pagkapangulo ni Corazon Aquino.
Ngunit makalipas ang mga dekada, nananatili ang mga tanong.
Para sa ilan, patunay ang People Power sa kakayahan ng mamamayan na ipagtanggol ang demokrasya. Para sa mga kritiko, maaari itong manipulahin ng mga elitista, lampasan ang prosesong konstitusyonal, at mabigong maghatid ng pangmatagalang reporma.
Patuloy ang kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay, at korupsiyon, kaya nananatiling bigo ang inaasahan ng mga nasa laylayan.
Madalas bumabalik sa kapangyarihan ang mga dinastiyang politikal, habang pinalalala ng social media ang pagkakahati, disimpormasyon, at historical revisionism. Ang lumalalim na polarisasyon at tendensiyang awtoritaryan ay hamon din sa pagkilos ng mamamayan.
Nanatiling gulugod ng mga kilusang masa ang civil society, unyon ng manggagawa, mga estudyante, at simbahan. Gayonman, mas mahirap makamit ngayon ang malawak na pagkakaisa na nakita noong EDSA I.
Ang People Power ay nananatiling mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Filipinas — patunay ng lakas ng sama-samang pagkilos at pakikibaka para sa demokrasya — ngunit halo ang pamana nito: tagumpay sa politika kasabay ng mga suliraning panlipunan at pang-ekonomiya na hindi pa rin nalulutas.
Ang aral nito ay malinaw: ang tunay na pagbabago ay nangangailangan hindi lamang ng mobilisasyon ng masa, kundi ng tuloy-tuloy na pagbabantay, pampolitikang kamalayan, at estruktural na reporma. (30)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com