MATAGUMPAY na naaresto ng mga awtoridad ang isang indibidwal na sangkot sa ilegal na bentahan ng baril sa ikinasang entrapment operation sa Brgy. Poblacion, Baliwag, Bulacan, nitong Miyerkoles ng gabi, 28 Enero.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Jayson San Pedro, hepe ng Baliwag CPS, ang naarestong suspek ay isang 33-anyos na residente ng Brgy. Sto. Cristo, sa nabanggit na lungsod.
Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba hinggil sa ilegal na pagbebenta ng loose firearms ng suspek.
Ikinasa ng Baliwag CPS ang buybust operation kung saan nahuli ang suspek sa aktong pagbebenta ng isang caliber .38 revolver na walang trademark at serial number, kargado ng dalawang live ammunition, kapalit ng buybust money na nagkakahalaga ng P1,000.
Dito agad na inaresto ang suspek at dinala sa Baliwag CPS para sa tamang dokumentasyon at disposisyon samantalang ang nakumpiskang loose firearm ay isasailalim sa firearms identification at ballistic examination sa Bulacan Provincial Forensic Unit.
Kasalukuyang inihahanda na ang kaukulang kasong paglabag sa RA 10591 na isasampa sa Office of the City Prosecutor laban sa suspek habang ang suspek na nasa kustodiya ng Baliwag CPS.
Pahayag ni P/Col. Angel Garcillano, provincial director ng Bulacan PPO, ang matagumpay na operasyon ay patunay ng patuloy at mas pinaigting na kampanya ng Bulacan PNP laban sa ilegal na pagmamay-ari at bentahan ng mga baril. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com