ARESTADO ang isang lalaki matapos magpanggap na pulis at manloko ng isang tindero sa pamamagitan ng cash-in transaction sa bayan ng Bocaue, lalawigan ng Bulacan.
Batay sa ulat mula kay P/Lt. Col. Gilbert Diaz, hepe ng Bocaue MPS, nakasuot ang suspek at kaniyang kasamahan ng damit na may markang PULIS at nagpakilalang mga alagad ng batas.
Nabatid na dumating ang mga suspek sa puwesto ng tindero at inutusan nilang magpadala ng P30,000 ngunit hindi nila ito ini-remit.
Humingi ng tulong ang biktima sa mga nagrespondeng pulis ng Bulacan 1st PMFC (3rd Platoon) at sa beripikasyon ay napag-alamang hindi lehitimong pulis ang mga suspek.
Nakatunog ang mga suspek kaya sinubukan nilang tumakas ngunit agad na naaresto ang isa sa kanila, habang nakatakas ang isa.
Kasalukuyang nang nasa kustodiya ng pulisya ang nadakip na suspek at mahaharap sa mga kasong estafa at usurpation of authority habang patuloy ang operasyon para sa ikaaaresto ng kaniyang kasabuwat. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com