NATAGPUAN ang wala nang buhay na katawan ng isang babaeng pulis na mahigit isang linggo nang naiulat na nawawala sa bayan ng Pulilan, lalawigan ng Bulacan, habang patuloy na pinaghahanap ang nawawala niyang anak.
Nadiskubre ang bangkay dakong 3:30 ng hapon noong Sabado sa isang sapa sa Pulilan–Baliuag Bypass Road, Brgy. Dulong Malabon, sa nabangit na bayan, matapos malanghap ng tauhan ng barangay ang masangsang na amoy galing dito.
Ayon sa pulisya, nakabalot ang katawan ng pulis sa tela, itim na garbage bag at plastik, at nasa advanced stage na ng pagkabulok.
Napag-alamang ang biktima na isang pulis na nakatalaga sa Regional Personnel and Records Management Division ng NCRPO, at positibong kinilala ng kaniyang asawa at kapatid sa pamamagitan ng mga tattoo at suot na damit.
Iniulat na huling nakita ang biktima noong 16 Enero matapos magpaalam na pupunta sa Novaliches, Quezon City kasama ang kaniyang anak, bago opisyal na i-report na nawawala ng kaniyang asawa noong 19 Enero.
Bumuo ang Southern Police District ng Special Investigation Task Group (SITG) upang pabilisin ang imbestigasyon, habang patuloy ang backtracking at forward tracking gamit ang CCTV footage.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng NCRPO ang asawa ng biktima na itinuturing na person of interest para sa imbestigasyon.
Patuloy inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen, at pinaghahanap ang nawawalang 8-anyos na anak ng biktima. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com