ni Allan Sancon
UMANI ng matinding atensyon ang pelikulang Breaking the Silence ni direk Errol Ropero dahil sa matapang at napapanahong temang tinatalakay nito—ang mental health ng mga kabataan, isang seryosong isyu na kadalasan ay hindi nabibigyan ng sapat na pansin sa loob ng tahanan at paaralan.
Sa panahong maraming bata at kabataan ang tahimik na nakikipaglaban sa depresyon, anxiety, at trauma, dumating ang pelikulang ito bilang isang malakas na sigaw: makinig tayo bago mahuli ang lahat.
Isinulat at idinirehe ni Errol, ang pelikula ay mula sa Gummy Entertainment Productions sa pangunguna ng executive producers na sina Ms. Ann Michelle Weber at Mr. Lawrence Weber.
Ayon sa mga producer, layunin nilang makagawa ng pelikulang hindi lang basta nagbibigay-aliw, kundi may malinaw na adbokasiya—ang magmulat ng kamalayan ng mga magulang, guro, at komunidad tungkol sa pinagdaraanan ng kabataan pagdating sa mental at emosyonal na kalusugan.
Umiikot ang kuwento ng Breaking the Silence, sa magkakaugnay na buhay ng mga bata at kabataang may kanya-kanyang sugat na emosyonal—mga problemang itinatago sa likod ng ngiti at katahimikan.
Habang patuloy silang hindi napapansin at hindi nauunawaan, unti-unting lumalala ang kanilang kondisyon. Isang matinding pangyayari ang magsisilbing mitsa upang mabuksan ang mata ng mga magulang at nakatatanda—na ang katahimikan pala ay isang sigaw ng tulong.
Ibinahagi ni direkt Errol na personal para sa kanya ang pelikula. Aniya, gusto niyang ipakita ang epekto sa isang bata kapag paulit-ulit siyang hindi pinakikinggan. Hindi sapat na tinitingnan lang ang grades o disiplina ng bata—mas mahalagang alamin kung ano ang tunay na nararamdaman nito.
Pinangungunahan ang pelikula nina Potchi Angeles, Bugoy Cariño, at Shira Tweg, kasama ang mga ipinakikilalang sina Gray Weber at Francis Saagundo.
Ayon kay Bugoy, maraming kabataan ang dumaraan sa matinding mental health struggles ngunit mas pinipiling manahimik dahil sa takot na husgahan o hindi paniwalaan.
Para sa kanya, ang pelikula ay nagsisilbing boses ng mga kabataang hindi marunong o walang lakas ng loob magsalita.
Samantala, ibinahagi naman nina Potchi at Shira na mahalagang mapanood ang pelikula ng mga estudyante—mula elementarya, high school hanggang kolehiyo.
Anila, maraming kabataan ang makare-relate sa kuwento dahil repleksiyon ito ng tunay na nangyayari sa loob ng paaralan at tahanan, na ang mental health ay madalas isinasantabi.
Mas lalong pinatibay ang pelikula ng powerhouse ensemble cast na kinabibilangan nina Ramon Christopher, Pinky Amador, Jeffrey Santos, Rob Sy, Pekto Nacua, Mark Herras, Irish Contreras, Brace Arquiza, Gene Padilla, Patani Daño, Sylvia Manansala, Panteen Palanca, Jerico Balmes, Carl Acosta, Miles Manzano, Shane Carrera, Ryrie Sophia, Zion Cruz, Tokyo Rodriguez, Jared Reyes, Christian Villanueva, Arwen Cruz, Mira Aquino, Erika Palisoc, Chelsea Pergis, Emmanuel Talukder, Achilles Ador, Stanray Clark, Uno Weber, Mavi Weber, Yvo Weber, Mikaela Saldaña, Dirc Manliclic, at Drey Lagrago.
Sinabi naman ng ilan sa cast na ipinakikita ng pelikula kung paanong minsan ay hindi sinasadyang nagiging bahagi ng problema ang kakulangan ng pag-unawa ng matatanda.
May espesyal ding paglabas si Dr. Lourdes Dimaguila, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng mental health awareness at sa papel ng pamilya at paaralan sa maagang pagtugon sa ganitong isyu.
Dagdag pa ng ilan sa cast, kahanga-hanga rin ang pagganap ng mga batang artista sa pelikula dahil sa natural at makatotohanang emosyon na kanilang naipakita.
Sa huli, ang Breaking the Silence ay hindi lang isang pelikula—isa itong malakas na panawagan. Isang paalala na ang mental health ng kabataan ay hindi dapat binabalewala, minamaliit, o ipinagpapaliban.
Inirerekomenda itong panoorin ng mga kabataan, magulang, guro, at tagapag-alaga, dahil minsan, ang simpleng pakikinig at pag-unawa ay sapat na upang makapagligtas ng buhay.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com