ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
NAKAPAG-REVIEW ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), sa ilalim ng pamumuno ni Chairperson at CEO Lala Sotto, ng kabuuang 171,972 na materyal nitong 2025, patunay ng dedikasyon ng Ahensiya na isulong ang responsableng panonood sa gitna ng mabilis na paglago ng digital media landscape.
Kabilang sa mga nabigyan ng angkop na klasipikasyon ang 127,704 television programs, 40,505 TV plugs at trailers, 1,695 publicity materials, 10 optical media materials, 1,380 movie trailers at 671 films.
Ang bilang ay nasa kabuuang 311 lokal na pelikula at 360 na banyaga.
Nasa 359 ang rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang)—angkop sa mga batang 12 at pababa basta’t may kasamang magulang o nakatatanda.
May 48 na rated G (General Audience) para sa lahat ng edad; 142 rated MR-13 (Restricted-13); 98 R-16 (Restricted-16); at 28 R-18 (Restricted-18).
Tatlo lamang sa 671 ang na-X, o hindi puwedeng ipalabas sa sinehan.
Noong 2025, iniulat ng Ahensiya ang 13.34 porsiyentong pagtaas sa bilang ng mga pelikulang naklasipika, mula 592 noong 2024.
Tumaas din sa 151.37 porsiyento ang bilang ng mga movie trailer sa sinehan, telebisyon at iba pang lugar, mula 54 noong 2024 din.
“Ang mga bilang na ito ay nagpapahiwatig ng positibong senyales ng muling pagsigla at pag-usad ng industriya ng pelikula,” sabi ni Sotto.
Ayon pa kay Sotto, binibigyang-diin ng mga datos ang mahalagang papel na ginagampanan ng MTRCB para maproteksiyonan ang mga manonood, lalo na ang mga batang Filipino, habang nananatiling sumusuporta sa industriya ng pelikula at telebisyon.
“Ang mataas na bilang ng mga materyal noong 2025 ay sumasalamin sa sigla ng industriya ng pelikula at telebisyon at sa lumalawak na responsibilidad ng MTRCB,” sabi ni Sotto.
“Habang mas maraming content ang nakokonsumo ng mga Filipino sa pamamagitan ng sinehan at telebisyon, lalo ring nagiging mahalaga ang aming tungkulin na gabayan ang mga manonood sa pamamagitan ng malinaw at angkop na klasipikasyon,” aniya pa.
Ipinahayag din ni Sotto ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa 31 Board Members, “Sa kanilang dedikasyon at walang sawang pagtitiyak na ang lahat ng materyal ay nabibigyan ng angkop na klasipikasyon bago ipalabas sa publiko.”
“Lubos akong nagpapasalamat sa aming masisipag na mga Board Member at kawani na patuloy na nagtatrabaho upang matiyak na ang mga materyales ay responsableng nariribyu at nabibigyan ng angkop na klasipikasyon,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ni Sotto ang importansiya ng MTRCB ratings na nagiging gabay ng mga magulang pagdating sa pagpili ng angkop na papanoorin, habang iginagalang ang malayang paglikha.
Sa buong taon, patuloy na pinagtitibay ng MTRCB ang proseso nito at pinalalakas ang koordinasyon sa mga stakeholder.
Patuloy din ang mga inisyatiba nito pagdating sa pagpapalaganap sa publiko tungkol sa “Responsableng Panonood,” na siyang pangunahing kampanya ng MTRCB tungkol sa media literacy.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com