ARESTADO ang 12 indibidwal nang ipatupad ng Olongapo CPS, katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Olongapo CFU, ang kampanya laban sa ilegal na sugal sa isang peryahan sa Magsaysay Drive, Brgy. East Tapinac, sa lungsod ng Olongapo, lalawigan ng Zambales, nitong Miyerkoles ng gabi, 7 Enero.
Isinagawa ang operasyon alinsunod sa PD 1602, na inamyendahan ng RA 9287, laban sa iba’t ibang uri ng ilegal na sugal tulad ng drop ball at color game.
Ayon sa ulat mula kay P/Col. Ritchie Claravall, hepe ng Olongapo CPS, nagsagawa ng undercover operation ang pinagsanib na puwersa ng CIDG at Police Station 3 kung saan nagpanggap bilang mga mananaya ang mga operatiba upang matukoy ang mga operator at bettors ng nasabing ilegal na aktibidad.
Huli sa aktong nagsasagawa ng ilegal na sugal ang mga suspek at agad na inaresto hanggang nasamsam sa operasyon ang iba’t ibang gambling paraphernalia kabilang ang mga dice, tapete, drop ball, listahan ng taya, kahon, at perang pinaniniwalaang ginamit bilang pusta na tinatayang umabot sa P14,025 ang kabuuang halaga.
Ikinasa ang operasyon bilang tugon sa sumbong ng isang concerned citizen kaugnay ng talamak na ilegal na sugal sa loob ng isang peryahan sa naturang lugar, na nagdudulot umano ng abala at kaguluhan sa publiko lalo na tuwing gabi.
Nang mapansin ang presensya ng mga operatiba, ilang operator at iba pang indibidwal ang nagtangkang tumakas, subalit matagumpay na naaresto ang labindalawang katao.
Dinala ang mga naarestong indibidwal kasama ang mga nakumpiskang ebidensya sa CIDG Olongapo CFU para sa kaukulang proseso at dokumentasyon habang inihahanda na ang kaukulang kaso na ihahain sa Olongapo City Prosecutor’s Office. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com