Thursday , January 29 2026
https://www.facebook.com/bingoplusph
Aksyon Agad Almar Danguilan

Bakit hindi dapat agad paniwalaan si Bernardo

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

BAGONG TAON ng 2026 na pero nananatiling walang napaparusahan na “big fish” sa usapin ng trilyong pisong flood control corruption sa kabila ng pangakong binitiwan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na makukulong ang mga sangkot bago mag-Pasko.

Patuloy na walang malinaw na galaw ang mga kaso, lalo na iyong may mga kinalaman sa mga makapangyarihang personalidad tulad ni dating House Speaker Martin Romualdez. Malaking dahilan dito ang tila pagtabi sa mahahalagang testimonya at ebidensiya. Imbes suriin ng Office of the Ombudsman ang video series ng dating kongresistang si Zaldy Co na nag-uugnay kina Marcos Jr. at Romualdez bilang umano’y mga utak ng pinakamalaking katiwalian, si Co pa ang binansagang ‘pugante’.

Kapareho rin ang sinapit ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya. Hindi sila isinama sa Witness Protection Program, ikinulong pa si Sarah, at tuluyang naisantabi ang pahayag ni Sgt. Orly Guteza na nagsabing personal niyang naihatid kay Romualdez ang mga maletang may lamang pera.

Dahil dito, lehitimong itanong kung ano ba talaga ang ginagawa ng Department of Justice at ng Office of the Ombudsman sa pamumuno ni Jesus Crispin Remulla. Sa halip na ituon ang imbestigasyon sa mahahalagang salaysay at dokumento, lumalabas ang pananaw na mas inuuna ang pagbuo ng isang kuwentong ‘maglilinis’ kina Marcos Jr. at Romualdez, kasabay ng paghahanap ng mga maaaring isakripisyo bilang scapegoat.

Hindi na rin kataka-taka kung bakit mas pinapakinggan ang testimonya ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo at ng BGC Boys sa pangunguna ni Henry Alcantara. Sa kanilang mga kwento ay kapansin-pansing hindi nababanggit sina Marcos Jr. at Romualdez, habang may ibang itinuturo kahit kulang sa mabibigat na ebidensiya, kaya naman tumutol ang kampo nina Sen. Joel Villanueva at dating Sen. Bong Revilla.

Ayon kay Atty. Ramon Esguerra, hindi magkakatugma ang mga salaysay ni Bernardo. Sa bawat panibagong affidavit ay nag-iiba ang takbo ng kuwento na tila paulit-ulit na inaayos ang script.

Para kay Esguerra, ang mga paratang ni Bernardo ay eksaktong umaayon sa direksiyon ng imbestigasyon nina Remulla, isang landas na pumipili ng mga dapat isalba habang idinidiin ang mga wala namang sapat na kasalanan.

“One original [affidavit], then a supplement [affidavit], then another supplement. So, kung ganu’n, pabago-bago ang istorya mo…bakit hindi mo isahin ‘yung istorya? Palaging mayroong pinagtatakpan, kaya ‘yung narrative nila, hindi mo maintindihan,” aniya.

Limang affidavit ang isinumite ni Bernardo, isang original at sunod-sunod na supplements. Para sa kahit sinong law student, malinaw itong red flag. Bakit kailangang paulit-ulit ang dagdag? May bagong ebidensiya ba talaga o may nagtutulak kung sino ang isasama at kung sino ang ilalayo?

Hindi kakulangan ng impormasyon ang problema. Ang isyu ay kung kaninong salaysay ang pinipiling paniwalaan, kay Bernardo at sa BGC Boys, at kung alin ang sadyang binabalewala, gaya ng kay Co, sa mag-asawang Discaya, at kay Sgt. Guteza.

Hangga’t inuuna ang kuwento kaysa ebidensiya, hindi hustisya ang aabutin ng Bayan kundi isang palabas na malinaw na kung sino ang maliligtas at kung sino ang makukulong. (30)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Almar Danguilan

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Desperate move kina PBBM, ES Recto…pero bokya sa ebidensiya

AKSYON AGADni Almar Danguilan TIRANG personal – usong-usong ito sa away politika. Madalas nangyayari ang …

Firing Line Robert Roque

US funding cuts, dagok sa Filipinas

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. SA UMPISA ng taon, malinaw ang mensahe ni US …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Magaan ang bisikleta, mabigat ang katotohanan
ALUMINYO, MANGGAGAWA, AT PANAWAGAN SA INDUSTRIYALISASYON

PADAYONni Teddy Brul MAHALAGANG deposito ng Karst bauxite sa Paranas, Samar, na naglalaman ng aluminyo …

Aksyon Agad Almar Danguilan

 “Sorsogon gold standard”pamarisan sa paggawa ng mga kalsada

AKSYON AGADni Almar Danguilan MUKHANG unti-unti nang tinatalikuran ng Department of Public Works and Highways …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Impeachment o sawsaw isyu lang?

AKSYON AGADni Almar Danguilan HINDI naman tayo nanghuhusga pero ano itong nangyaring pag-iingay sa Kamara …