DAHIL sa pagsisikap at agarang pagkilos ni Marikina Mayor Maan Teodoro, hindi na magpa-Paskong walang suplay ng tubig ang mga residente ng Barangay Tumana.
Personal na nagtungo si Mayor Teodoro sa tanggapan ng Manila Water Marikina Service Area bitbit ang P15 milyon upang bayaran ang bahagi ng utang ng Barangay Tumana.
Lumobo ang utang ng Barangay Tumana sa P37,192,199.98 matapos mabigong i-remit ni Barangay Captain Akiko Centeno sa Manila Water ang bayad ng mga residente.
Dahil dito, napilitan ang Manila Water na putulin ang supply ng tubig sa lugar, na ikinaalarma at ikinabahala ni Mayor Teodoro.
Bilang tugon, pinamadali niya sa Sangguniang Panlungsod ang pagpasa ng ordinansa na maglaan ng P15 milyon bilang pambayad upang maibalik kaagad ang supply ng tubig sa barangay.
Matapos magbayad sa Manila Water, agad hiniling ni Teodoro sa kompanya na agad ibalik ang supply ng tubig sa 13 common points sa barangay.
Personal na sinaksihan ni Mayor Teodoro at Marikina 1st District Rep. Marcy Teodoro ang muling pagdaloy ng supply ng tubig sa mga gripo sa barangay.
Nangako si Mayor Teodoro na papanagutin ang mga responsable sa pagkaputol ng supply ng tubig sa lugar. (VICK AQUINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com