HINDI TAO kundi kapwa aso ang suspek sa pagkaputol ng dila ng Asong Pinoy (AsPin) na si Kobe, nitong Martes, 9 Disyembre, sa Aratiles St., Brgy. Balangkas sa Valenzuela City.
Nalambatng City Veterinary Office ang ‘suspek’ sa pagkaputol ng dila ng AsPin nang suriin at mapanood sa CCTV na may naganap na ‘dog fight’ na pinatunayan ng isang testigo sa nasabing insidente ng literal na ‘dog eat dog’ sa Valenzuela City.
Una nang iniutos ni Mayor Wes Gatchalian ang pagsisiyasat upang mapawi ang pangamba ng mga may-ari ng aso at mga animal welfare advocates tulad ng Animal Kingdom Foundation (AKF) na posibleng maulit ang pangyayari kaya dapat mahuli ang gumawa ng karumal-dumal na krimen laban sa aso.
Ayon kay Mayor Wes, batay sa isinagawang imbestigasyon ng joint task force sa pangunguna ni Col. Joseph Talento, city police chief, isang saksi ang nagpatunay na away-aso o dog fight at hindi gawa ng tao ang nangyaring pagkaputol ng dila ng 6-anyos asong si Kobe.
Isinalaysay ng testigong si James, sakay siya ng kanyang motorsiklo pauwi galing ng trabaho nang maraanan niya sa kalye ang nagkukumpulang mga aso at nakita niya na sakmal sa pisngi ng isang aso si Kobe.
Nakita ang witness na sakay ng kanyang motorsiklo sa kuha ng CCTV at ang dalawang aso na paikot-ikot sa lugar, itinuring itong matibay na ebidensiya na hindi tao ang may gawa ng pagkaputol ng dila kundi kapwa aso.
Sinabi ng saksi na nasakote na rin ang asong nakaaway ni Kobe at nasa pangangalaga ng City Veterinary Office.
Hinihinalang nag-agawan sa pagkain ang mga aso na posibleng kagat-kagat ni Kobe kaya ang kanyang dila ang napuruhan.
Nanawagan ang Valenzuela LGU na mapaigting ang pangangalaga sa kapakanan ng mga hayop, hindi lamang ng mga alagang aso kundi iba pang mga hayop sa kani-kanilang sariling bakuran.
Magugunitang nag-alok si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ng P100,000 para sa makapagtuturo kung sino ang suspek sa pagkaputol ng dila ni Kobe.
Ang tanong: Mapunta kaya sa testigong si Jess ang P.1-M alok na pabuya?
O ipagkakaloob na lang sa LGU para makatulong sa animal welfare program ng Valenzuela City?
Sina Mayor Wes at Secretary Rex ay magkapatid, at ang huli ay nanungkulan na rin bilang alkalde sa nasabing siyudad. (VICK AQUINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com