
PINAIIMBESTIGAHAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagkakasama ng Stronghold insurance consortium sa Passenger Personal Accident Insurance (PPAI) para sa mga public utility vehicles (PUVs) kahit hindi ito nakapagsumite ng mga required documents sa itinakdang deadline ng ahensiya.
Batay sa ipinalabas na Circular Letter ng Insurance Commission na pirmado ni Commissioner Reynaldo Regalado, ang mga aplikante para sa Management Company ng insurance consortium ay dapat makapagsumite ng lahat ng mga kailangang dokumento 60 araw bago pa mag-expire o mawalang bisa ang 5 years accreditation nito.
Ayon sa LTRB insider, pumatak sa 30 Nobyembre 2025 ang last day ng submission ng lahat ng requirements ngunit ang Stronghold consortium ay nabigyan pa rin ng accreditation kahit 1 Disyembre 2025 na ito nakapagsumite ng kanilang mga dokumento.
Minsan nang naging kontrobersiyal ang Stronghold insurance matapos matuklasan na ito ang insurance company na kinuha ng mag-asawang Sara at Curly Discaya sa kanilang mga nakuhang flood control project sa DPWH.
Batay pa sa Circular, ang “Management Company” ay kailangan kinapapalooban ng 13 magkakasamang insurance companies. Kasama ng Stronghold ang Milestone, Bethel, Sterling, Mercantile, FPG, Manila Bankers, Corporate Guarantee, Asia United, Climbs, Oona, Malayan, at Perla.
Pinagbabawalan din ng Circular na magparehistro sa dalawang Management Company ang alinmang insurance entity upang maiwasan ang pagkakagulo sa sistema.
Ang Asia United Insurance, Inc., na unang nakapaloob sa SCCI Management & Insurance Agency Corporation ay nag-last minute switch o lumipat sa Stronghold consortium na isang paglabag sa IC Circular.
Noong 24 Nobyembre 2025 nang mag-withdraw ng membership ang Asia United sa SCCI, o anim na araw bago ang itinakdang 30 Nobyembre 2025 deadline para sa submission.
Nanagawan ang mga opisyal ng LTFRB sa IC na imbestigahan ang kontrobersiyang ito dahil malalagay sa panganib ang mga pasahero ng pampublikong sasakyan kung hindi malinaw ang sistema ng insurance na titiyak sa kanilang kaligtasan. (HATAW News Team)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com