AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
HINDI sapat ang salitang “Salamat QCPD” sa pagbibigay seguridad sa halos 500,000 katao na dumalo sa katatapos na Trillion Peso March Movement na ginanap nitong 30 Nobyembre 2025 sa People Monument Park (PPM) sa EDSA kanto ng White Plains Quezon City. Tinawag din ang rally na “Indignation Prayer Rally”.
Umuwi mula sa halos maghapong protesta ang libo-libong raliyista na wala ni-isang galos sa kanilang katawan maliban sa nangamoy pawis pero protektado ang bawat raliyista bunga ng itinayang dugo’t pawis ng mga pulis matiyak lamang ang kaligtasan ng mga lumahok. Kita naman natin o ramdam ang dedikasyon at propesyonalismo ng bawat pulis sa lugar.
Hindi sapat ang pasalamatan at hangaan lamang ang mga QC police sapagkat hindi lang sa loob ng isang araw nila pinaghandaan ito para matiyak na mapayapa ang TPMM.
Kung baga, sa naging resulta ng mapayapang pagtitipon, walang sapat na salita para pasalamatan ang tropa ni Col. Silvio maging ang augmentation groups na tumulong sa pagbibigay seguridad sa pinangyarihan.
Ano pa man, naging maayos ang lahat bunga ng pagsunod ni Col. Silvio sampu ng kanyang mga opisyal at tauhan sa direktiba ni Acting Chief PNP PLt. Gen. Jose Melencio Nartates, Jr., at dahil na rin sa gabay ni NCRPO Regional Director PMGen. Anthony Aberin.
Naging maayos din ang rally dahil sa pagpapatupad ng QCPD ng komprehensibong mga hakbang sa seguridad na nagresulta sa “zero major” na insidente, na nagpapakita ng pagiging epektibo ng pangkalahatang paghahanda sa seguridad at pamamahala sa lugar.
Hindi lamang ito, kung hindi ang sapat na bilang ng mga tauhan ng QCPD na ipinakalat sa bawat kanto ng pinangyarihan at sinuportahan ng mga kaakibat na ahensiya kabilang ang DPOS sa pangunguna ni PBGen. Elmo San Diego (Ret), ang AFP, BFP, BJMP, NAVAL, NCRCOM, Red Cross, at ang QC-LGU sa pamumuno ni Mayor Joy Belmonte sa pamamagitan ng TTMD at MMDA.
Tiniyak sa koordinasyon ng mga ahensiyang nabanggit ang maayos na daloy ng bawat dumalo at tuloy-tuloy na operasyon ng seguridad sa kabuuan ng kaganapan.
Nagpasalamat din si Col. Silvio sa Lokal na Pamahalaan ng Lungsod Quezon at sa mga kaakibat na ahensiya para sa kanilang suporta at kooperasyon, na aniya’y malaki ang naitulong upang maging maayos ang pagdaraos ng kilos protesta.
Siyempre, pinasalamatan din ng “Ama ng Pulisya ng Lungsod” ang mga nag-organisa sa TPMM at mga kalahok dahil sa pagtalima sa mga security protocol at responsableng paggamit ng kanilang mga karapatan.
Bagamat nabanggit natin na walang sapat na salita kung paano pasalamatan ang QCPD sa ipinamalas nilang pagtiyak sa seguridad sa nakalipas na malakihang rally, ang bayan ay saludo sa walang sawang dedikasyon, propesyonalismo, at sa maximum tolerance na ipinairal sa lugar para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
‘Ika nga ni Col. Silvio…“ang QCPD ay nananatiling matatag sa aming pangako na pangalagaan ang komunidad, itaguyod ang batas, at tiyakin na ang bawat pampublikong pagtitipon sa Lungsod Quezon ay mananatiling ligtas, mapayapa, at maayos.”
Iyan ang “Proud To Be QCPD”…basta para sa seguridad ng bayan, iyan ang kanilang prayoridad. (30)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com