ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
MATAGAL nang inaabangan ng mga OFW sa Hongkong ang pelikula ni Direk Nijel de Mesa na nagtatampok sa mga OFWs doon.
Starring si Mayton Eugenio at ang kilalang host-singer-dancer na si Jean Kiley sa palikulang “Hongkong Kailangan Mo Ako”.
Huling ipinakita sa NDM Original Film Festival sa Japan ang naturang pelikula na umani ng papuri mula sa madla. At sa kauna-unahang pagkakataon maaari na itong mapanood sa NDM+, isang streaming platform based sa Singapore na nagtatampok din ng iba pang mga orihinal na gawa ng NDMstudios.
“Excited na akong mapanood ito ng mga tao kasi pinaghirapan talaga namin ito,” sabi ni Jean.
“Nakakalungkot lang na hindi na ito mapapanood ng creative staff namin na si Eric, na kasama namin noong ginawa namin ito sa Hongkong,” dugtong ni Direk Nijel.
Pumanaw kasi ilang araw bago malunsad ang NDM+ ang beteranong audio man na si Eric Adriano.
“We wanted to do a unique girl buddy comedy sa pelikulang ito. Puro malas ang nangyari sa mga characters,” wika ni Direk Nijel. “Sana ma-inspire ang mga tao na makita ang ganda ng buhay sa gitna ng mga kamalasan,” aniya pa.
Sabay-sabay nating panoorin ang Hongkong Kailangan Mo Ako ngayong buwan, hanggang Pasko sa NDM+.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com